PBBM pinasalamatan sa dagdag na ayuda sa krudo

Jun I Legaspi Apr 17, 2026
38 Views

NAGPASALAMAT ang mga public utility vehicle (PUV) drivers sa pamahalaan sa dagdag subsidy na P10 kada litro ng krudo.

Nagsimula noong Abril 14 ang P10 kada litrong diskwento sa diesel at ngayo’y pinakikinabangan na ng mga driver at operator ng modern at traditional jeepneys.

Kasama rin sa programa ang mga driver ng mga modern at traditional UV Express na nasa listahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, dahil sa programa nagtuloy-tuloy ang pasada at naging sapat ang suplay ng mga jeepney na namamasada.

Magkatuwang sa programa ang Department of Transportation (DOTr), LTFRB, Department of Energy (DOE), Landbank at halos 50 na gasolinahan sa Metro Manila.

Sinabi ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na noong April 14 ay may 33,000 na PUVs sa Metro Manila ang nasa ilalim ng programa. Plano ding bigyan ng subsidy ang iba pang PUVs at ipapatupad din sa mga probinsya.

Para sa driver na si Gerard, ang pagbawas ng P10 sa kada litro ng diesel ay malaking bagay dahil pandagdag sa baon ng mga anak niya at pambili ng bigas at ulam para sa pamilya.

“Malaking tulong po sa min ‘yan. Maraming maraming salamat po kay PBBM. Pangulong Marcos, salamat po sa inyo,” pahayag ni Gerard.

Ayon naman kay Ryan, dahil sa P10 discount madadagdagan na ang maiuuwi niyang kita sa kanyang pamilya.