DOH

467 bagong kaso ng Omicron subvariants naitala sa bansa

157 Views

NADAGDAGAN ng 467 ang bilang ng naitalang kaso ng Omicron subvariants ng Covid-19 sa bansa batay sa isinagawang sequencing noong Setyembre 5 hanggang 7.

Ayon sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), 425 sa mga bagong kaso ay BA.5 Omicron subvariants. Sa mga kasong ito 214 ang mula sa Western Visayas, 146 mula sa Davao Region, 21 mula sa Soccsksargen, 19 mula sa Calabarzon, siyam sa National Capital Region (NCR), pito sa Central Visayas, lima sa Central Luzon, dalawa sa Northern Mindanao, at tig-isa sa Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

May naitala namang 10 kaso ng BA.4 kung saan pito ang mula sa Central Visayas, dalawa sa Soccsksargen, at isa sa Northern Mindanao.

Mayroon namang isa na nagpositibo sa BA.2.75 subvariants sa Davao Region.

Anim na kaso ang nasa ilalim ng “other sublineages” at 25 ang “no assigned lineages.”

Umabot na sa 3,989,882 ang kabuuang kaso ng nahawa ng COVID-19 sa bansa.