Gatchalian

Sen. Win isinusulong reporma sa science teaching, teacher training

28 Views

ISINUSULONG ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga reporma sa science teaching, teacher training at paghahatid ng kurikulum matapos ihayag ang datos na nagpapakitang maraming guro sa science ang naaatasang magturo ng mga asignaturang hindi tugma sa kanilang pinag-aralan noong kolehiyo.

Sa datos ng Second Congressional Commission on Education, sinabi ni Gatchalian na pinakamataas ang mismatch sa physical sciences at biological sciences.

Ayon sa senador, 99% ng mga guro sa junior high school physical sciences at 98% ng mga guro sa senior high school physical sciences ang nagtuturo sa labas ng kanilang specialization.

Idinagdag pa niya na 80% ng mga guro sa senior high school biological sciences ay humahawak din ng mga asignaturang hindi tugma sa kanilang college majors.

Sinabi rin ni Gatchalian na sa mga gurong humahawak ng Science sa Grades 4 hanggang 6, hindi bababa sa 98% ang nag-ulat na nagtuturo sila ng mga asignaturang walang kaugnayan sa kanilang college training.

Ipinapakita ng mga bilang na kailangang mas maayos na maitugma ang teacher education curriculum, training at licensure examinations.

Sa pulong kasama ang Teacher Education Institutions at si Dr. Penny A. Bishop, dean ng Boston University Wheelock College of Education and Human Development, binanggit din ni Gatchalian ang datos ng Teacher Education Council na 35 lamang sa 1,500 teacher education institutions, o 2%, ang kinikilalang Centers of Excellence.

Upang tugunan ang learning gaps, isinulong din ni Gatchalian ang teacher training at remediation para sa mga mag-aaral na nahihirapan at itinuro ang Senate Bill No. 1899, na magbibigay sa Department of Education ng mas malawak na flexibility upang gamitin ang ituturing nitong pinakaepektibong paraan sa pagpapatupad ng basic education curriculum.

Ang panukalang batas, na aprubado na sa ikatlong pagbasa sa Senado, ay lilihis sa spiral progression approach sa ilalim ng K to 12 law.

“Kung matibay ang Science, Technology, Engineering at Math (STEM) curriculum sa ating bansa, pwede na tayong makabuo ng mas advanced pang mga teknolohiya,” ani Gatchalian.