Mungkahi ni Garin: Depinisyon ng ‘fully vaccinated’ baguhin

Mar Rodriguez Sep 12, 2022
182 Views

IMINUMUNGKAHI ngayon ng isang Visayas congresswoman kina President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Department of Health (DOH) Officer-In-Charge (OIC) Rosario Vergeire na dapat nilang baguhin ang depinisyon ng “fully vaccinated”.

Sinabi ni Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin, dating Health Secretary, na kailangang baguhin aniya ang depinisyon ng “fully vaccinated” kung saan ay dapat isama dito ang unang “booster shots” upang mahikayat o mahimok ang publiko na magdagdag ng kanilang bakuna.

Ang mungkahi ni Garin ay kasunod ng mahabang “booster population” ng bansa na nasa 12.76% sa kabila ng pagiging bukas ng DOH at mga Local Government Units (LGUs) para sa pagpapabakuna subalit mabagal at kakaunti parin ang nagpapabakuna.

Ipinaliwanag ng kongresista na kaya naging mabagal at kakaunti lamang ang nagpapabakuna ay dahil naging kampante na ang karamihan sa natanggap nilang “primary series” o ang unang dalawang COVD vaccines na ang akala ng mga Pilipino ay bastante na ito.

Ayon kay Garin, ang nakikita nitong problema sa mababang booster rate ay bunsod ng tinatawag na “messaging” o ang maling pagkaunawa ng mga Pilipino sa pagpapabakuna.

“Nasaan ba ang problema” I believe it’s in the messaging because we keep on insisting na fully vaccinated ka na sa dalawang dose. Hindi tayo nagiging transparent hindi tayo nagiging buo sa desisyon na ang katotohanan nung pumasok yung delta at dumagdag pa yung omicron variant at sub-variant,” sabi ni Garin.

Sinabi pa ng mambabatas na kapag ang isang tao ay nabakunahan lamang ng dalawang beses, ito’y “under vaccinated” na ang ibig sabihin ay hindi sapat ang kaniyang proteksiyon kaya kailangan pa nito ng isa pang bakuna at ang ikaapat na bakuna ang kaniyang magiging totoong booster.

Naniniwala si Garin na kung lilinawin ng pamahalaan na hindi maituturing na “fully vaccinated” ang unang dalawang COVID dose ay mas mahihikayat ang publiko na magpabakuna at mas mapapabilis ang pagkamit ng bansa sa “herd immunity” na wala ng papasok na omicron variant.