Ridon

Ridon: Kung hindi mali, totoo ang ₱6.77B

87 Views

SINABI noong Sabado ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na ang lawak ng aktibidad pinansyal na ngayon ay tila kinikilala na ng mismong kampo ng Bise Presidente ay nagbubukas ng seryosong mga tanong sa pananagutan na maaaring pumasok sa usapin ng di-maipaliwanag na yaman at isang anyo ng pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Si Ridon, isang abogado at kasapi ng House Committee on Justice, ay nagsabing hindi komplikado ang isyu at maaaring maunawaan sa tatlong pangunahing tanong: gaano kalaki ang galaw ng pera, saan ito nanggaling, at saan ito napunta.

Tumugon si Ridon sa pahayag ng tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Michael Poa, na nagsabing dapat basahin nang may pag-iingat ang mga numero ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil simpleng kabuuan lamang ito ng mga transaksyon sa loob ng 18 hanggang 19 na taon, at hindi ang aktwal na natitirang balanse sa mga account.

Para kay Ridon, hindi nito pinahihina ang isyu—lalo pa nitong pinatitibay.

“Kung hindi mali, eh totoo ang mga bilyong dumaan sa bangko. At kung totoo ang ganitong kalaking galaw ng pera na hindi maipaliwanag, malinaw na pumapasok ito sa usapin ng unexplained wealth at betrayal of public trust. Handa kaming dalhin ito sa paglilitis batay sa pag-amin na iyan,” ani Ridon.

“Kung ang sinasabi nila ay hindi mali ang mga numero kundi ‘inaccurate’ lang, ibig sabihin niyan hindi nila kinokontra ang mismong laki ng transaksyon. At kapag hindi mo kinokontra ang bilyon-bilyong galaw ng pera, lalo mo lang pinatitibay ang tanong kung paano ito nangyari,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin niya na ang isyu ay hindi kung tumutugma ang kabuuang transaksyon sa year-end balances, kundi ang laki, pinagmulan, at pinaglagyan ng mga pondong sangkot.

“Ang usapan dito, may bilyon-bilyong galaw ng pera, hindi malinaw kung saan nanggaling, at hindi malinaw kung saan napunta—iyan ang kabuuang tanong ng pananagutan,” aniya.

Tinukoy ni Ridon ang mga rekord na tinalakay na sa House Committee on Justice noong Abril 22. Ipinakita ng Office of the Ombudsman ang SALN history ni Duterte mula 2007 hanggang 2024, na nagpapakitang tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula ₱7.25 milyon noong 2007 hanggang ₱88.51 milyon noong 2024. Sa parehong pagdinig, iniulat ng Anti-Money Laundering Council ang ₱6.77 bilyon sa covered at kahina-hinalang mga transaksyon na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawa na si abogado Manases Carpio.

“Magkaiba ang milyon sa bilyon. Hindi ito simpleng isyu ng formatting o misunderstanding sa spreadsheet,” ani Ridon.

“Kapag ganyan kalaki ang agwat, hindi ka makakalusot sa linyang mali lang ang presentasyon.”

Tinanggihan din niya ang argumento na hindi dapat ikabahala ang mga numero dahil sumasaklaw ito sa halos dalawang dekada.

“Kahit hati-hatiin mo pa iyan sa 18 o 19 na taon, hindi nabubura ang tanong,” ani Ridon.

“Kahit umikot lang ang pera, kailangan pa ring ipaliwanag kung saan nanggaling ang pondong pumasok sa mga account.”

Binigyang-diin niya na ang usapin ay nauuwi sa kung ang idineklarang kakayahang pinansyal ay kayang magpaliwanag sa laki ng aktibidad na makikita sa mga opisyal na rekord.

“May money trail, may sinumpaang deklarasyon, at may konstitusyonal na tungkulin na magbunyag,” aniya.

“Kung hindi nagtutugma ang mga iyan, may kailangang sagutin.”

Ayon kay Ridon, ang nakikita ng publiko ay hindi paglilinaw kundi pag-iwas.

“Ang ginagawa nila ngayon ay hindi paglilinaw kundi pagpapalabo,” ani Ridon.

“Kapag hindi mo masagot nang diretso ang bilyon-bilyong galaw ng pera, hindi puwedeng asahan na maniniwala ang tao sa palusot na ‘total transactions lang iyan.’”

Para kay Ridon, ang tamang lugar para sa anumang totoong paliwanag ay ang mismong proseso ng impeachment.

“Harapin ang AMLC. Harapin ang mga numero. Harapin ang mga dokumento,” ani Ridon.

“Kung may paliwanag, dalhin sa forum na may tanong, may rekord, at may pananagutan.”

Tinapos niya ang kanyang pahayag sa isang tuwirang paglalatag ng isyu.

“Hindi mabubura ng paglalaro sa mga salita ang dokumento. Hindi mababaluktot ng spin ang mga numero,” ani Ridon.