Calendar
Lalaking nag-viral dahil sa hawak na baril iniimbestigahan
LUMALABAS na isang lisensyadong protective agent ang lalaking nakitang may hawak na baril sa viral video sa Makati City at maaari siyang matanggalan ng lisensya at permit sa baril matapos ang insidente.
Ayon sa Philippine National Police ang lalaki ay may valid na License to Exercise Security Profession (LESP) at iba pang gun permits. Gayunman, iniimbestigahan na siya ng Firearms and Explosives Office at Supervisory Office for Security and Investigation Agencies dahil sa umano’y iresponsableng paggamit ng baril.
Ayon sa pulisya, ang insidente ay nag-ugat sa isang hit-and-run at hindi holdap o road rage gaya ng unang akala ng netizens. Sa video, makikita ang lalaki na may hawak na .45 caliber pistol habang pinatitigil ang isang pick-up driver sa kahabaan ng Chino Roces Avenue.
Nagboluntaryong sumuko ang lalaki sa Makati police at isinuko ang kanyang baril. Paliwanag niya, tinulungan lamang umano niya ang 67-anyos na driver na muntik nang kuyugin ng galit na mga tao matapos ang aksidente.
Samantala, naaresto rin ang isa pang lalaking nakitang sumisira umano sa gulong ng sasakyan at posibleng maharap sa kasong malicious mischief.
Iginiit ng PNP na kahit walang putok na naganap, ang paglalantad ng baril sa publiko ay maaaring magresulta sa kasong alarm and scandal at posibleng pagbawi ng mga permit.
Binigyang-diin ni PNP chief Jose Melencio C. Nartatez na ang pagmamay-ari ng baril ay para sa proteksyon, hindi pananakot. Aniya, anumang maling paggamit nito ay may kaakibat na pananagutan sa batas.
