Calendar
Pulis nabaril, nagmaneho ng motorsiklo, nagpa-ospital
MALA-John Wick ang 40-anyos na pulis na nadala ang sarili sa ospital matapos mabaril sa kaliwang balikat dahil sa pagresponde sa suspek na nagpapaputok ng baril noong Martes sa Pasay City na nakatakas.
Nakapagmaneho pa ng motor si alyas SSgt. Carlo upang isugod ang sarili sa Pasay City General Hospital pero nakatakas ang suspek sa pamamaril na si alyas Jet Mark, 28, at gumanti pa ng putok sa pulis at kasamang si Pat. Jomarie.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) director P/Col. Glenn Oliver Cinco, dakong alas-5:08 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Pasay Police Sub-Station-2 hinggil sa walang habas na pagpapaputok ng baril ng suspek sa Pasilio 3, F. Victor St. Brgy. 61 na dahilan para magresponde ang dalawang pulis..
Pagsapit sa naturang lugar, sinalubong ng sunod-sunod na putok ng baril ang dalawang pulis na dahilan para tamaan sa kaliwang balikat si SSgt, Carlo.
Bagama’t sugatan, gumanti ng putok ang dalawang pulis kaya’t napilitang tumakas at magtago sa kanilang bahay na malapit sa lugar ang suspek.
Pagdating ng puwersa ng Police Sub-Station 2 at mga ipinadalang tauhan ng SWAT Team ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto, wala na sa bahay niya ang suspek.

