Calendar
2 inambush ng RIT sa QC patay na
PAREHONG nasawi ang dalawang sakay ng mini-SUV na pinagbabaril ng riding-in-tandem suspects sa kanto ng Timog Avenue at EDSA, Brgy. South Triangle, Quezon City nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Norberto Orimaco alias Cocoy, 51, driver at residente ng Cubao; at Ceferino Mariano, 75, negosyante at residente ng UP Teacher’s Village East.
Batay sa ulat, dakong alas-3:40 ng hapon nang makarinig ng sunod-sunod na putok ang isang MMDA traffic enforcer na naka-duty sa lugar. Paglingon nito, nakita na umano si Orimaco na duguang nakahandusay sa kalsada habang si Mariano ay duguan sa loob ng puting Suzuki S-Presso.
Agad isinugod sa East Avenue Medical Center ang dalawang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na nagtamo si Orimaco ng tatlong tama ng bala habang anim naman kay Mariano.
Sa crime scene, nakarekober ang mga awtoridad ng siyam na basyo ng bala, tatlong deformed bullets at iba pang ebidensya.
Sa pagsusuri ng CCTV, namataan ang dalawang suspek na magkaangkas sa matte blue/black na Yamaha Mio I 125 na ginamit sa pagtakas.
Bandang alas-6:04 ng gabi, natagpuan ng mga pulis ang naturang motorsiklo na inabandona sa Scout Rallos malapit sa Ybardolaza. Narekober din dito ang dalawang helmet, surgical mask at bonnet habang kinuhanan ng latent fingerprints.
Patuloy ang follow-up operation ng Quezon City Police District para matukoy at madakip ang mga salarin.

