Lopez

P941M ayuda naipamahagi na sa mga estudyante—DSWD

176 Views

UMABOT na sa P941 milyon ang education assistance na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa may 375,000 estudyante.

Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na nakapamahagi ang ahensya ng P35 milyong halaga ng educational assistance sa 13,842 estudyante noong Sabado, Setyembre 10.

Ayon kay Lopez hindi lahat ng estudyante na nag-apply online ay nakatanggap ng confirmation text na sila ay makatatanggap ng cash assistance dahil limitado umano ang budget ng ahensya.

Dumaraan din umano sa assessment ang mga aplikasyon upang ang mga nararapat lamang ang mabigyan ng ayuda. Nasa P1.5 bilyon ang pondong inilaan sa programa.

Nasa 400,000 estudyante ang inaasahang matutulungan ng programa.

Ang mga mahihirap na estudyante sa elementarya ay makatatanggap ng tig-P1,000 ayuda, P2,000 naman sa high school, P3,000 sa senior high school, at P4,000 sa kolehiyo at kumukuha ng vocational courses.