Calendar
Luistro: Depensa ng VP nagpapakita na kaso patungo na sa Senado
SINABI ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro noong Miyerkules na ang pinakahuling posisyon ng kampo ni Bise Presidente Sara Z. Duterte—na handa lamang itong sumagot sa Senado—ay lalo lamang nagpapatibay sa impresyon na sapat na ang ebidensyang naiharap sa House Committee on Justice upang ituloy ang impeachment case.
Ipinahayag ito ng chair ng Justice panel sa kanyang opening remarks habang ipinagpatuloy ng komite ang pagdinig nitong Abril 29, kasunod ng naunang sesyon kung saan naitala na ang SALNs ng Bise Presidente, ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga corporate record mula sa Securities and Exchange Commission, at ilang bahagi ng sinumpaang salaysay ni dating Sen. Antonio Trillanes IV.
“Una, sabi ng mga abogado, handa raw sumagot ang Bise Presidente, handa raw siyang humarap—pero sa Senado. Hindi dito, kundi sa Senado,” ani Luistro, na isang abogado.
“Napaisip tuloy tayo: kung doon siya sasagot—hindi ba’t kinikilala na rin niya na meron nang sapat na ebidensya dito, at patungo na talaga sa Senado ang kasong ito?” tanong ni Luistro.
Ayon kay Luistro, ang kabuuang reaksyon ng kampo ay nagsasalita dahil sa halip na pabulaanan ang mga numerong naiharap na sa komite, inilipat nito ang argumento sa usapin ng timing, venue, at proseso.
“At iyan ang tatlong bagay na ginawa nila: una, nagdeklara sila na handa silang sumagot sa Senado; pangalawa, sinabihan tayo na mag-ingat daw tayo; at pangatlo, ang pag-file ng panibagong reklamo laban sa atin,” paliwanag ni Luistro.
Sinabi niya na hindi magpapalihis ang komite sa tungkuling itinakda ng Konstitusyon dahil lamang sa mga panlabas na pahayag o presyon, lalo na’t mas nagiging malinaw na ang direksyon ng ebidensya.
“At ngayon, narito na tayo sa puntong ito—Abril 29. Itutuloy natin ang pagdinig,” diin ni Luistro.
Ipinaalala ni Luistro sa komite na hindi hinihingi sa Kamara na magpasya sa pagkakasala, kundi tukuyin lamang kung may sapat na batayan upang ipagpatuloy ang prosesong konstitusyonal.
Gayunman, iminungkahi niya na tila kinikilala na rin ng kampo ng Bise Presidente ang direksyon ng proseso sa pamamagitan ng pagreserba ng kanilang sagot para sa trial stage kaysa sa probable cause stage.
“Gaya ng lagi nating sinasabi, wala tayong papanigan kundi ang katotohanan: saan man tayo dalhin ng ebidensya, doon tayo susunod—gaano man ito kalayo, gaano man ito kahirap—doon tayo pupunta,” pahayag ni Luistro.
“Malinaw ang ating mandato, at matibay ang ating paninindigan. Ginagabayan ng Konstitusyon, nakabatay sa ebidensya, at tapat sa tiwala ng sambayanang Pilipino—at higit sa lahat, pinangungunahan ng malinaw na tinig ng ating konsensya—ipagpapatuloy natin ang pagdinig na ito,” dagdag niya.
Tinapos niya ang bahaging iyon sa pamamagitan ng paghahambing sa panawagan ng kampo na mag-ingat at sa paninindigan ng komite na ang mahalaga ngayon ay katapatan sa pampublikong talaan.
“Ang sabi ng kampo ng Bise Presidente: ‘Let us be cautious.’ Mag-ingat daw tayo. Ang sagot natin: ‘Let us be truthful.’ Magpakatotoo tayo.”
Sa pagdinig noong Abril 22, sinabi niyang pumasok na ang komite sa tinatawag niyang larangan ng “forensic truth,” kung saan ang mga opisyal na rekord, hindi retorika, ang batayan ng talakayan.
Ipinakita ng SALNs na kinumpirma ng Ombudsman na tumaas ang net worth ni Duterte mula P34 milyon noong 2016 hanggang P88 milyon noong 2024, kahit na mula 2019 ay nagdeklara siya ng zero cash o cash deposits.
Ayon pa sa kanya, kinumpirma rin ng AMLC ang mahigit 630 covered transactions at 33 kahina-hinalang transaksyon na umaabot sa P6.7 bilyon, habang sinuri rin ng komite ang mga dokumento ni Trillanes at napatunayang ang mga random na transaksyon mula sa kanyang mga annex ay tumutugma sa mga opisyal na rekord.

