Bato

Ejercito umapela kay Dela Rosa na i-waive ang suweldo, allowance

31 Views

UMAPELA si Senator JV Ejercito kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na boluntaryong talikuran muna ang kanyang suweldo at allowances habang patuloy ang kanyang pagliban sa Senado, kasabay ng pagharap nito sa reklamo sa Senate Committee on Ethics and Privileges.

Ayon kay Ejercito, chairman ng komite, nakasentro ang reklamo laban kay Dela Rosa sa pagtanggap umano nito ng suweldo at benepisyo kahit hindi pumapasok sa trabaho.

“Ang basis kasi ng kaso sa kanya ang sumisweldo siya nang hindi na siya pumapasok. So in that way, baka hindi na natin kinakailangan mag-go through the process ng ethics committee. Kung voluntary ay i-give up niya na itong kanyang sweldo at kanyang mga allowance,” ani Ejercito sa panayam sa radyo.

Hindi na pumapasok sa trabaho sa Senado si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre noong nakaraang taon. Hindi na rin siya nakikita sa publiko matapos ihayag ng Ombudsman na naglabas ang International Criminal Court ng arrest order laban sa kanya kaugnay ng alegasyong siya ay co-conspirator sa kasong crimes against humanity na kinasasangkutan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Ejercito na walang umiiral na malinaw na patakaran sa Senado na agad na makapagpapapilit kay Dela Rosa na pumasok o awtomatikong makapagpapatigil sa kanyang suweldo.

Ayon sa senador, kung dadaan sa pormal na proseso, kailangan pang pag-usapan ng ethics committee ang reklamo, sundin ang tamang pila ng mga kaso, at posibleng amyendahan ang mga patakaran sa plenaryo.

“Mahaba po ito,” ani Ejercito, habang iginiit na kailangang sundin ang proseso at hindi dapat unahin ang isang kaso dahil lamang ito ay mainit o pinag-uusapan.

Ipinaliwanag ni Ejercito na kung boluntaryong hindi tatanggapin ni Dela Rosa ang kanyang suweldo at allowances, maaari itong maging batayan para pag-usapan ng ethics committee kung dapat nang ibasura ang reklamo.

“It depends on the members. Hindi ako yung facilitator lang,” ani Ejercito. “Ang member mag-decide. So dahil yun ang basis ng complaint, it might be basis for the dismissal. Kasi kung talagang hindi niya natatanggapin yung sweldo niya, sahod niya, allowances, so wala nang basehan yung complaint.”

Sinabi rin ni Ejercito na may sama ng loob ang publiko dahil karaniwang kinakaltasan ang mga ordinaryong empleyado kapag hindi pumapasok sa trabaho.

Aniya, dapat ding isaalang-alang sa public service ang prinsipyong “no work, no pay,” lalo na at galing sa pondo ng bayan ang suweldo at allowances ng mga halal na opisyal.

Nilinaw naman ni Ejercito na apela lamang ang kanyang ginagawa at hindi pa paghatol kay Dela Rosa, na patuloy pa ring gumagana ang opisina sa kabila ng kanyang pagliban.

Sinabi rin niya na susundin ng ethics committee ang due process at ang magiging pasya ay nakasalalay sa mga miyembro ng komite.

“Kung ano pa magpapasyahan ng liderato ng committee members, yan ang ating susundin,” ani Ejercito.