Ridon

Ridon itinanggi “fishing expedition”: “Balyena ito, hindi pating”

27 Views

TINANGGIHAN noong Sabado ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list ang paulit-ulit na pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ang imbestigasyon sa impeachment ay isang “fishing expedition,” at sinabing ang laki ng ebidensiyang natuklasan ay nagpapakita ng malinaw at malaking bakas ng galaw ng pera.

“Hindi lang ho pating ang nakita natin. Balyena ho ang nakita doon sa P6.77 bilyon na pinag-uusapan,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Ayon kay Ridon, ang mga numerong inilatag sa mga pagdinig ay patunay na hindi haka-haka ang imbestigasyon, at sumasalungat sa pahayag ng depensa na ito ay exploratory lamang.

Itinuro niya ang detalyadong financial records na tinalakay sa mga pagdinig ng House Committee on Justice, kabilang ang kabuuang P6.77 bilyong bank transactions na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa. Nahahati ito sa P4.4 bilyong inflows, P1.5 bilyong outflows na hindi naitala sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at P2.8 bilyong sinasabing natitirang balanse na hindi rin idineklara.

“Hindi ho ito haka-haka. Ito ay base sa mga dokumento at record na inilatag sa pagdinig,” dagdag ni Ridon, na isang abogado at kasapi rin ng House Committee on Justice.

Ibinasura rin ni Ridon ang paulit-ulit na pahayag ng kampo ni Duterte na depektibo ang mga impeachment complaint, at sinabing matagal na itong inuulit nang walang sapat na batayan.

“Hindi po totoo na defective ang impeachment complaints. Isang buwan na ho nilang inuulit-ulit iyan,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang bakas ng galaw ng pera, na suportado ng mga opisyal na dokumento at sinumpaang testimonya mula sa mga ahensiya ng gobyerno, ay bumubuo ng matibay na pundasyon ng ebidensiya para sa kaso. Kasama rito ang mga alegasyon hinggil sa P612.5 milyong umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga sinasabing banta laban sa matataas na opisyal ng bansa.

Muling iginiit ni Ridon na ang lawak, detalye, at pagkakatugma ng ebidensiya ay malinaw na sumasalungat sa naratibo na ang imbestigasyon ng Kamara ay isang “fishing expedition,” at ipinapakitang ang mga natuklasan ay konkretong mga transaksyon na maaaring mapatunayan, hindi basta hinala lamang.