Kapunan

Kapunan itinulak psychiatric evaluation para kay VP Sara

29 Views

MARIING binatikos noong Sabado ng beteranang abogado na si Lorna Kapunan si Vice President Sara Duterte, at tinawag na “lutang” ang sinumang opisyal ng gobyerno na naglalabas ng banta.

Hinimok din niya na sumailalim ito sa psychiatric evaluation habang lumalalim ang mga tanong hinggil sa kanyang asal.

Sa kanyang pagsasalita sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Kapunan na dapat tingnan ng mga Pilipino hindi lamang ang mga legal na argumento kundi pati ang karakter at asal ng mga lider, lalo na ng mga nagnanais maging pangulo.

“Hindi lang dapat legal na usapin ang tinitingnan—kailangan ding suriin ng taumbayan ang demeanor at conduct ng isang lider, lalo na ang isang bise presidente na nagnanais maging presidente,” ani Kapunan.

Ayon sa kanya, walang puwang ang pagbabanta sa panunungkulan, anuman ang paliwanag dito.

“Ang tawag ko diyan ay lutang. Dahil kung ikaw ay isang nakaupong opisyal, hindi ka dapat nagbabanta. Kahit pa sabihin nilang exaggerated o hyperbole lang ‘yan—hindi. Wala kayong karapatan,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Kapunan na mas mataas ang pamantayang dapat sundin ng mga opisyal ng gobyerno at hindi sila maaaring magtago sa likod ng pahayag na ito’y pinalabis lamang.

“Walang karapatan ang mga public official na mag-hyperbole o mag-exaggerate dahil sila ang lider ng bayan at may pananagutan sa kanilang mga salita at kilos,” aniya.

Nag-ugat ang isyu sa isang press conference noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi umano ni Duterte na may kinausap siyang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,

Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Martin Romualdez kung siya ay mapapatay—at iginiit pa na “hindi biro” ang kanyang sinabi.

Ang mga pahayag na ito ay naging sentro ng impeachment proceedings sa House Committee on Justice, na nakakita na ng probable cause upang i-impeach siya sa mga natitirang reklamo.

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) sa komite na ang video noong 2024 ay tunay, hindi binago, at hindi gawa ng AI.

Ayon sa kanilang findings na isinumite sa Department of Justice, may sapat na batayan para sa kasong grave threats at itinuturing ang mga pahayag bilang bahagi ng “tuloy-tuloy na banta” laban sa Pangulo.

Muling nanawagan si Kapunan na isailalim sa psychiatric evaluation ang Bise Presidente, iginiit na ang bigat ng mga pahayag ay nangangailangan ng masusing pagsusuri.

“Uulitin ko—dapat i-subject ang VP sa psychiatric evaluation. Hindi natin kailangan ng isang ‘lutang’ na presidente o kahit sinong opisyal ng gobyerno,” ani Kapunan.