Ridon

Hamon ni Ridon kay Pulong: Patunayan alegasyon ng ‘defunding,’ ipagtanggol VP Sara sa plenaryo

32 Views

HINAMON ni House Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon nitong nakaraang weekend si Davao City Rep. Paolo Duterte na patunayan ang kanyang alegasyon na tinatakot ang mga mambabatas na bawasan ang pondo ng kanilang distrito upang mapilitang suportahan ang impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.

Dahil inaasahang lilipat na sa plenaryo ang proseso ng impeachment matapos ang aksyon ng House Committee on Justice, sinabi ni Ridon na inaasahan niyang personal na ipagtatanggol ni Paolo Duterte ang Pangalawang Pangulo sa plenaryo.

“Ang inaasahan namin ngayong linggo ay ipagtatanggol niya ang kanyang kapatid sa plenary proceedings,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

“Hindi naman niya ginawa ‘yan noon,” dagdag pa niya.

Ayon kay Ridon, dapat suportahan ng ebidensiya ang alegasyon at ilahad ito sa tamang forum, sa halip na ipahayag lamang sa publiko nang walang sapat na patunay.

“Maganda na patunayan ni Cong. Duterte ang kanyang mga sinasabi dahil sa tingin ko, nitong mga nakaraang buwan, wala naman siyang ginawa kundi maglabas ng mga pahayag sa kanyang Facebook account,” ani Ridon.

Kinuwestiyon din niya ang kawalan ng mambabatas mula Davao sa mga opisyal na pagdinig, at sinabing ang tamang lugar para ilahad ang ganitong mga isyu ay sa loob ng Kongreso.

“Pangalawa, hindi rin namin siya nakikita sa mga plenary proceedings o committee meetings,” ani Ridon.