Atty. Oducado

Party list rep sumusuporta sa panawagan ng mga mangingisda

Mar Rodriguez May 3, 2026
23 Views

SINUSUPORTAHAN ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado ang panawagan ng pederasyon ng mga mangingisda at iba pang sektor at industriya ng pangingisda ng agarang intervention ni President Ferdinand Marcos Jr. para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Binigyang diin ni Oducado na ang patuloy na pagsirit sa presyo ng krudo ang ang nagpapahina sa produksiyon ng isda, gumagambala sa supply nito at nagbabanta sa kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino.

“This fishery crisis requires swift and decisive national action. Real-time data shows significant disruption in fishing operations across Region XII and beyond,” sabi ni Oducado.

Ayon sa SOCSARGEN (South Cotabato, Sarangani at General Santos City) Federation of Fishing and Allied Industries, Inc. (SFFAII), 34% ng operasyon ng mga tuna fleet ang nagsuspinde na habang marami sa mga handline vessel ang tumigil na rin dahil sa hindi nila kayang tustusan ang gastos sa krudo.

Binanggit ng kongresista na ang mga pagkaantalang ito ay dulot ng matinding pagbaba sa suplay ng isda partikular na sa mahahalagang landing hubs na sumusuporta sa pambansang merkado.

“Help us keep the boats running; help us keep fish affordable and help us protect the livelihoods of those who feed the nations,” pahayag ng presidente ng SFFAII na si Kenrick Teng.

Ipinahayag ni Oducado ang kaniyang matibay na suporta sa mga iminumungkahing hakbang ng SFFAII dahil kinakailangan ang mga ito upang patatagin ang kanilang sektor at maiwasan ang tuluyang pagbagsak ng fishing industry.