Calendar
Sotto pabor sa show-cause move vs Bato
SINABI ni Senate President Vicente C. Sotto III na imumungkahi niya sa Senate Committee on Ethics na pagpaliwanagin si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng reklamong inihain laban sa kanya dahil sa patuloy na pagliban sa Senado.
Sa ambush interview sa Senate reporters, sinabi ni Sotto na maaaring hilingin ng komite kay Dela Rosa na magsumite ng paliwanag, na kahalintulad ng show-cause request, kung bakit hindi dapat bigyang-daan ng panel ang ethics complaint.
“Mayroon nang video ang Ethics ngayon. Ang isa-suggest ko ay ipaalam namin kay Senator Bato na hihingan namin siya ng sagot doon sa complaint sa kanya,” ani Sotto.
“Ang isa-suggest ko, hingan si Senator Bato ng explanation, parang show cause, why we should not give in to the complaint,” dagdag niya.
Sinabi ni Sotto na wala pa siyang natatanggap na anumang komunikasyon mula kay Dela Rosa.
Ginawa ni Sotto ang pahayag habang nirerepaso ng Senate Committee on Ethics ang ilang reklamong inihain sa kapulungan.
Sinabi ni Senator JV Ejercito, chairperson ng Committee on Ethics, na apat na ethics complaints laban sa mga senador ang ibinasura dahil sa kawalan ng basehan.
Tumanggi si Ejercito na tukuyin ang iba pang senador na may mga reklamong na-dismiss.
Ayon sa kanya, tatlong iba pang reklamo ang ipinagpaliban muna dahil kailangan pang pag-aralan, kabilang ang reklamo laban kay Dela Rosa.
Sinabi ni Ejercito na inatasan niya ang komite na hingin ang komento ni Dela Rosa kaugnay ng panukalang amyendahan ang Senate rules tungkol sa pagliban.
Naganap ang mga developments habang nagbabalik-trabaho ang Senado matapos ang isang buwang recess at humaharap sa mabigat na legislative calendar.

