Sobrang fuel subsidies sa 21 TNCs dapat ipaliwanag–LTFRB

Jun I Legaspi May 4, 2026
27 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 21 Transport Network Companies (TNCs) kaugnay ng imbestigasyon sa labis na bilang ng fuel subsidy beneficiaries sa ride-hailing services sector.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, ang pagpapalabas ng show cause order (SCO) sa mga TNC ay naglalayong alamin ang mga pangyayaring nagdulot ng pagkakaiba sa bilang ng mga TNVS beneficiaries.

“Nais nating tukuyin ang katotohanan sa insidenteng ito. May sinadyang pagtatangka ba na dagdagan ang bilang ng beneficiaries o ito ba ay bunga ng kapabayaan at kakulangan sa pagsunod sa utos ng LTFRB,” sabi ni Chairman Vigor.

Ang isyu ay lumitaw matapos ang beripikasyon ng fuel subsidy beneficiaries kung saan natuklasan ng LTFRB at iba pang ahensya ng pamahalaan na hindi pangkaraniwang mataas ang bilang ng TNVS beneficiaries.

Sa SCO na ipinadala sa mga TNC, inatasan silang magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized na sulat kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang awtoridad bilang Transport Network Company dahil sa mga sumusunod na paglabag pag-onboard ng mga sasakyang walang pahintulot o awtoridad mula sa LTFRB at pagkabigong mapanatili ang mga orihinal na unit na onboarded sa kanilang platform, na sa kalaunan ay lumipat sa ibang platform o tumigil sa operasyon, na nagresulta sa pag-abandona ng serbisyo sa publiko.

Inatasan ang mga TNC na magsumite ng listahan ng kanilang mga driver na isinumite sa DSWD, kasama ang plate number ng mga sasakyang kanilang ginagamit.

Itinakda ang pagdinig sa Mayo 14 at inatasan ang mga pinuno o kinatawan ng mga TNCs na dumalo.