Senado

Senado susunod sa proseso, alituntuning konstitusyonal kung impeachment dumating

33 Views

SINABI nina Senate President Vicente C. Sotto III at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na susunod ang Senado sa constitutional rules at procedures sakaling pormal na maipadala sa kapulungan ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.

Sinabi ni Sotto na hindi obligado sa ilalim ng Senate impeachment rules si Duterte-Carpio na personal na dumalo sa posibleng trial, ngunit mas mabuti aniyang humarap siya kung makarating sa Senado ang kaso.

Ayon kay Sotto, pinapayagan ng Senate rules na katawanin ng abogado ang respondent, ngunit makatutulong ang personal na pagdalo kung matutuloy sa trial ang kaso.

Binanggit ni Sotto ang impeachment trials ni dating President Joseph Estrada at ng yumaong Chief Justice Renato Corona, kung saan humarap ang mga respondent sa impeachment court sa ilang bahagi ng proceedings.

Sinabi rin ni Sotto na mas nais niyang magkaroon muna ng pre-trial bago magsimula ang trial proper sakaling maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.

Ayon kay Sotto, makatutulong ang pre-trial upang ma-mark ang ebidensya, ayusin ang procedural matters, at maiwasan ang kalituhan sa presentation of evidence.

Binanggit niya ang naging karanasan sa Corona impeachment trial, kung saan naging mahirap pangasiwaan ang evidentiary issues habang tumatakbo na ang proceedings.

Sinabi rin ni Sotto na maaaring ma-convene ang impeachment court kung may 13 senador na present.

Si Cayetano naman ay nagsabing susundin ng Senate minority bloc ang Konstitusyon, batas, at rules kung makarating sa Senado ang impeachment case.

“We’ll follow all the rules and the procedures. Guided naman kaming lahat dahil maraming mga abogado sa minority. So, kung ano yung tama, ano yung rules, anong Constitution, anong batas, susundin namin,” ani Cayetano sa ambush interview.

Sinabi ni Cayetano na ire-reset ang minority meeting dahil halos kalahati lamang ng mga miyembro ang nakadalo dahil sa ongoing hearings.

Dumating ang mga pahayag habang papalapit ang House of Representatives sa plenary action sa impeachment case laban kay Duterte-Carpio.

Inaprubahan ng House Committee on Justice ang committee report at Articles of Impeachment laban sa vice president, at ipinadala ang usapin sa plenaryo ng Kamara para sa deliberation at voting.

Sa ilalim ng impeachment process, kailangan ang boto ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng House upang ma-impeach ang isang opisyal at maipadala ang Articles of Impeachment sa Senado.

Kapag naipadala ito, ang Senado ang may tanging kapangyarihang litisin at desisyunan ang impeachment case, kung saan uupo ang mga senador bilang judges.

Kailangan ang boto ng two-thirds ng lahat ng senador, o 16 sa 24 na miyembro ng kapulungan, upang ma-convict ang isang respondent.

Nauna nang sinabi ni Sotto na kikilos ang Senado alinsunod sa constitutional procedure kapag pormal na naipadala ang Articles of Impeachment.