DOE

Tulfo gusto bigyang kapangyarihan DOE na pwersahin oil firms ilahad cost components ng fuel pump prices

28 Views

ITINUTULAK ni Sen. Erwin Tulfo ang panukalang batas na gagawing malinaw ang fuel pricing sa pagbibigay sa Department of Energy ng kapangyarihang obligahin ang mga oil companies na ilahad ang cost components sa likod ng pump prices.

Sinabi ni Tulfo na hindi layunin ng Senate Bill No. 641 na buwagin ang oil deregulation o makialam sa lehitimong operasyon ng negosyo, kundi para palakasin ang accountability sa pagtukoy kung paano nabubuo ang presyo ng petroleum products.

Isinabatas ang Republic Act No. 8479 (Oil Deregulation Law) upang isulong ang competition, tiyakin ang sapat na supply ng petroleum products at protektahan ang public interest, ayon sa senador.

Ngunit sinabi ni Tulfo na lumilitaw ang mga puwang sa implementasyon ng batas, partikular sa kakulangan ng transparency.

Sinabi ni Tulfo na layunin ng panukala na tugunan ang kakulangan ng transparency sa presyo ng petroleum products.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang DOE ng mas malinaw na awtoridad upang obligahin ang oil companies na ilahad ang aktuwal na halaga ng imported fuels kabilang ang acquisition cost, freight charges, taxes at iba pang components hanggang sa makwenta ang pump prices.

Sinabi rin niya na tila ang Pilipinas lamang sa 10 miyembrong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) tumaas ng halos 50 percent ang petroleum prices.

“Transparency is about protecting the people. It builds trust. It ensures fairness. And it prevents abuse,” sabi ni Tulfo.

Inihain ang panukala habang nananatiling alalahanin ng consumers, transport groups at households ang presyo ng fuel at mas mataas na gastos sa pangunahing bilihin at serbisyo.