Bambbi Fuentes and Janice de Belen

Bambbi Fuentes nakalusot na bilang movie producer

249 Views
 Khali Flores, Christa Jocson and Mira Aquino
Khai Flores, Christa Jocson and Mira Aquino

LUMABAS ang kilalang beauty guru na si Bambbi Fuentes sa kanyang comfort zone para maging isang movie producer. sa ilalim ng Dragon Talent Management and Productions kasama ang kanyang kaibigan, ang businesswoman na si Tine Areola.

Noong una, pagma-manage lang ng talents ang gustong pasubukan sa kanya ng tadhana. “Ayaw ko pa nga kasi, alam kong hindi ganun kadali,” ani Bambbi. “Pero nakumbinse ako, kasi parang nanghinayang naman ako sa potentials ng mga gustong magpatulong sa akin.”

Sina Khai Flores at Christine Jocson ang unang talents na hinawakan ni Bambbi. Kalaunan ay nadagdagan ito ng iba pa.

Hanggang maisipan niyang gumawa ng short film para sa kanyang mga alaga. “Forty minutes lang ito, sa akin ang story idea,” kuwento ni Bambbi. “Actually, parang shooting two birds with one stone ang nangyari sa amin dito sa ‘Sugat sa Dugo.’. Advocacy film ito, about HIV awareness, at the same time mabibigyan ko ng break yung mga bata.”

Pero nasorpresa siya nang manalo ang “Sugat sa Dugo” sa International Film Festival Manhattan Autumn noong isang taon. At nanalo rin ang bidang si Janice de Belen bilang best actress sa naturang international film festival.

“Akala ko, hanggang doon na lang ito,” ani Bambbi tungkol sa bagong mundo. “Gusto lang naming may gawin habang may pandemic. Buti na lang, unti-unti, bumalik sa dati. Kahit itong salon, naapektuhan pero ngayon, unti-unti na kaming bumabangon.”

Naging mabait pa rin ang Diyos sa kanya. May pamilya at mga kaibigan siyang tumulong para ipagpatuloy ang kanyang nasimulan. “So nung manalo nga yung short film namin, I decided to make it full-length. One hour and forty minutes na. Mas naging strong yung message kasi nga, mas mahaba na, mas nabigyan ng maraming layers yung story.”

Tunay namang nangibabaw ang husay ni Janice de Belen, gayundin ang kasama niyang isa pang mahusay na veteran actress, si Sharmaine Arnaiz, pero nagpakitang gilas din ang mga baguhang alaga ni Bambbi para makipagsabayan sa kanila.

Bukod kina Khai Flores at Mira Aquino, kasama rin sa ‘Sugat sa Dugo’ sina Christa Jocson, Shira Mae Tweg, Ashley Carpio, Esteven Dayrit, Leone Adriano, Mosh Gerodias Emcel Abuso, at RJ Ariar sa direksyon ni Danni Ugali.

“People should see ‘Sugat sa Dugo’,” paanyaya ni Bambbi. “Malalaman nila kung bakit nanalo ito sa isang international film festival. At marami silang malalaman tungkol sa HIVna libu-libo ang naapektuhan dito sa atin. “

Nakatakda nang ipalabas sa mga sinehan ang “Sugat sa Dugo” sa September 28.

Sa ngayon, pagkatapos ng hirap at pagod, pawis at luha, naramdaman ni Bambbi na nakalusot na siya sa uang pagsubok bilang movie producer. “Naghahanda na kami ng mga bagong project,” ani Bambbi na naluluha pa rin, pero sa pagkakataong ito, dahil sa tuwa.