Kiko

Pangilinan kay Padilla: ‘Wag balat sibuyas

86 Views

IBINASURA ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang planong ethics complaint ni Senador Robin Padilla matapos kuwestiyunin ni Padilla sa plenaryo ang inilarawan niyang pagsigaw ni Pangilinan sa gitna ng palitan sa Senado.

Batay sa transcript ng sesyon, tinanong ni Padilla kung pinapayagan sa Senate rules ang pagsigaw ng isang senador sa kapwa senador.

“Meron lang akong mga konting katanungan sa inyo. Gusto ko sanang i-reklamo si Sen Pangilinan sa pagsigaw. Meron ba sa rules natin na sinasabing pwede mong sigawan ang kapwa mo Senador?” sabi ni Padilla.

Ipinakita rin sa transcript na inihirit ng presiding officer ang suspensyon ng sesyon upang pag-usapan ang malakas na boses o umano’y pagsigaw. Kalaunan, may senador na naghain ng mosyon upang i-adjourn ang sesyon hanggang alas-3 ng hapon ng Miyerkules, Mayo 13, 2026.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pangilinan na hindi dapat awtomatikong ituring na paglabag sa ethics ang pagtataas ng boses sa mainit na debate sa plenaryo.

“Sa tagal ko dito sa Senado at sa dami ng sigawan o pagtataas ng boses na nangyari na rito, ngayon lang siguro magkaka-ethics case na ganito,” ani Pangilinan.

“Yung pagtataas ng boses sa mainit na debate ay hindi man kagustuhan ay hindi naiiwasan at nangyayari sa plenaryo. Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan,” dagdag niya.

Sinabi ni Pangilinan na hihintayin niya ang reklamo ni Padilla ngunit iginiit niyang walang batayan ang planong kaso.

“Huwag maging balat sibuyas. Walang legal basis at walang kwenta ang ethics case complaint na yan. Hintayin na lang natin yung reklamo nya,” sabi niya.

Sinabi rin ni Pangilinan na maaari siyang maghain ng kontra-reklamo kaugnay ng inilarawan niyang paglabag ni Padilla sa parliamentary rules, pagiging out of order, kawalan ng proper decorum, at umano’y pagbabanta, pananakot at paninindak sa kanya sa plenaryo habang naka-recess ang sesyon.

“Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa kanyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka recess,” ani Pangilinan.

“Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga at kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado,” dagdag niya.

Sinabi ni Pangilinan na ayaw niya ng away ngunit hindi siya aatras kung itutuloy ni Padilla ang reklamo.

“Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko siya aatrasan kung gusto niya ng kasuhan,” sabi niya.

Sinabi ni Pangilinan na handa siyang sagutin ang anumang reklamo at magsampa rin ng sarili niyang reklamo kung itutuloy ni Padilla ang kaso.