Medical

SMFI medical missions nagbibigay ng agarang serbisyong pangkalusugan

60 Views

SINASABI na ang kalusugan ang unang kayamanan.

Para sa SM Foundation, mahalaga ang pangangalagang pangkalusugan sa pagbuo ng matatag at matibay na mga komunidad.

Upang makatulong na matiyak na may akses ang mga Pilipino sa mga programang pangkalusugan at pangkagalingan, isinulong ng SM Foundation ang adbokasiyang nakatuon sa pagsasaayos ng mga pampublikong health center at pagbibigay ng serbisyong medikal sa pamamagitan ng mga medical mission.

Tinutugunan ng mga medical mission na ito ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga komunidad sa mga lugar kung saan matatagpuan ang mga negosyo ng SM. Taun-taon, nagsasagawa ang SM Foundation ng humigit-kumulang 80 medical mission. Bukod sa mga nakaiskedyul na, nagsasagawa rin ng medical mission kasabay ng Operation Tulong Express ng SM tuwing may kalamidad.

Nagbibigay ang mga medical mission ng agarang serbisyong pangkalusugan sa mga target na benepisyaryo. Ayon kay SM Foundation Executive Director for Health and Medical Programs Connie Angeles, “Ang akses sa pangangalagang pangkalusugan ay nananatiling isang pangunahing pangangailangan.”

Sinimulan ng SM Foundation ang mga medical mission nito noong 2001.

Isinasagawa ang mga ito katuwang ang mga boluntaryong propesyonal sa larangan ng medisina at pangangalagang pangkalusugan tulad ng mga doktor, dentista, medical technologist, at nars na naglalaan ng kanilang oras at kakayahan para sa mga hindi gaanong naaabot na miyembro ng lipunan. Ang mga boluntaryo ay mula sa kani-kanilang propesyonal na organisasyon o mula sa mga tanggapan ng kalusugan ng mga lokal na pamahalaan. Kabilang din sa mga pangunahing katuwang nito ang Philippine Red Cross, mga pharmaceutical company, mga civic organization, at SM Supermalls sa lokalidad na nagbibigay ng suportang logistikal sa panahon ng medical mission.

Dagdag pa ni Angeles, “Sa pamamagitan ng matibay na pakikipagtulungan at iisang layunin, mas marami kaming komunidad na naaabot at nabibigyan ng napapanahong tulong medikal.”

Sa paglipas ng mga taon, namuhunan ang SM Foundation sa mga mobile clinic na may kagamitang pang-diagnostic. Sa kasalukuyan, mayroon nang tatlong mobile clinic na nakapuwesto sa iba’t ibang lugar upang agad maipadala kung kinakailangan, lalo na sa mga medical mission sa panahon ng Operation: Tulong Express.

Bukod sa konsultasyong medikal, kabilang sa mga serbisyong iniaalok sa medical mission ang ECG, X-ray, complete blood chemistry, glucose test, cholesterol test, hemoglobin test, at uric acid test. Binibigyan din ang mga benepisyaryo ng edukasyong pangkalusugan mula sa mga propesyonal sa kalusugan.

Sa mga sesyon ng health education, nagbabahagi ang mga propesyonal ng impormasyon upang mapataas ang kamalayan tungkol sa nutrisyon, kalinisan, wastong pangangalaga sa kalusugan, at pag-iwas sa sakit. Natututuhan ng mga miyembro ng komunidad ang kahalagahan ng bakuna, regular na check-up, at screening para sa maagang pagtuklas ng sakit.

Sa lugar ng medical mission ay mayroong pansamantalang mini pharmacy kung saan maaaring makuha ng mga pasyente ang mga iniresetang gamot. Kapansin-pansin na nagbibigay ang SM Foundation ng libreng kumpletong dosage ng mga niresetang gamot sa mga benepisyaryo. Mayroon ding libreng bitamina na ipinamamahagi.

Ayon kay G. Albert Uy, Senior Project Manager ng health and medical programs ng SM Foundation, hindi lamang isang beses na aktibidad ang medical mission ng Foundation. “Para sa SM Foundation, komprehensibo namin itong isinasagawa.”

Hindi ito isang pansamantalang “Band-Aid” o one-shot deal na aktibidad lamang. Kung kinakailangan, ang mga benepisyaryo ng medical mission na nangangailangan ng karagdagang pagsusuri ay nire-refer ng SM Foundation sa mga specialty hospital. Mahigpit na mino-monitor ng Foundation ang kanilang mga kaso medikal sa pamamagitan ng mga lokal na tanggapan ng kalusugan—isang patunay ng pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor para sa mas malusog na komunidad.

Ang mga medical mission ay hindi lamang nagbibigay ng panandaliang tulong. Lumilikha rin ito ng pangmatagalang pagbabago dahil pinatitibay nito ang kalusugan ng komunidad sa pamamagitan ng serbisyong medikal at edukasyong pangkalusugan upang mahikayat ang komunidad na pangalagaan ang kanilang sariling kalusugan at makaiwas sa sakit.

Sa pagdaan ng mga taon, ang mga medical mission ng SM Foundation ay nakatulong na sa halos 1.4 milyong pasyente.