Ortega

Ortega: Walang smoking gun? Umaandar na ang alarma

58 Views

KINUTYA ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union noong Miyerkules ang pahayag ng legal team ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na umano’y “walang smoking gun” na nag-uugnay sa kanya sa mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment na ipinadala ng House of Representatives sa Senado.

“Ano bang ibig nilang sabihin na walang smoking gun? Hindi ba nila pinanood ang mga pagdinig? Baka naka-mute ang TV nila noong hearings. O baka fast forward lang ang pinanood nila,” ani Ortega.

“Kung wala silang nakitang ebidensya, baka hindi problema ng kaso iyon. Baka problema na iyon ng mata, tenga, o selective memory,” dagdag niya.

Sinabi ni Ortega na ang reklamong impeachment ay hindi nakabatay sa tsismis o pulitika kundi sa mga sinumpaang testimonya, opisyal na rekord, financial documents, findings ng Commission on Audit (COA), mga sertipikasyon, at maging sa sariling mga pahayag ng Pangalawang Pangulo.

“Hindi ka makakakuha ng 257-25 na boto sa Kamara kung puro haka-haka lang. Hindi ito tsismis, memes, o chain message sa Viber. Isa itong prosesong konstitusyonal na suportado ng ebidensya,” ani niya.

Ayon sa lider ng Kamara, tila sinusubukan ng kampo ng Pangalawang Pangulo na ihanda ang publiko na balewalain ang malawak na hanay ng ebidensyang natalakay na sa iba’t ibang pagdinig.

“Ang mga smoking gun ay halos nakahilera na sa mesa isa-isa. Ang findings ng COA, ang mga isyu sa confidential funds, testimonya ng mga saksi, financial records, documented transactions, at maging ang sariling mga pampublikong pahayag ng Pangalawang Pangulo—lahat ng ito ay malawakang natalakay,” ani Ortega.

“Ang tanong ngayon: bakit parang nagpapanggap silang walang usok kahit umaandar na ang alarma?” tanong ni Ortega.

“Baka gusto nila iyong literal na may taong may hawak na umuusok na baril habang naka-selfie. Hindi ganoon ang legal process,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Ortega na ang impeachment process ay hindi tungkol sa political persecution kundi tungkol sa pananagutang naaayon sa Konstitusyon.

“Ang impeachment court sa Senado mismo ang tamang forum upang subukin ang mga ebidensya. Kung tunay silang naniniwalang mahina ang kaso, dapat nilang tanggapin ang paglilitis sa halip na paulit-ulit na siraan ang proseso bago pa man ito magsimula,” aniya.

“Kung tunay silang naniniwalang walang kaso, dapat tigilan na nila ang pagiging allergic sa Senate trial,” dagdag ni Ortega.

“Hindi bulag ang sambayanang Pilipino. Nakita nila ang mga pagdinig. Narinig nila ang testimonya. Kaya nilang husgahan para sa kanilang sarili kung may usok—at kung may apoy na nga,” ani Ortega.

“Ang problema kasi, habang sinasabi nilang walang smoking gun, kitang-kita naman ng publiko ang powder burns,” dagdag niya.

Sa isang matinding pagpapakita ng suporta para sa pananagutan, bumoto ang House of Representatives noong Lunes upang i-impeach si Duterte, kung saan 257 mambabatas ang pumabor sa ulat ng House Committee on Justice na nagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.

Sa kabuuang 318 miyembro ng Kamara, 106 boto lamang ang kinakailangan upang ma-impeach si Duterte. Umabot sa 257 mambabatas ang bumoto pabor sa pagpapadala ng kaso sa paglilitis, habang 25 ang tumutol at 9 ang nag-abstain.

Ang inaprubahang articles of impeachment ay naglalaman ng apat na pangunahing sakdal laban sa Pangalawang Pangulo, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at grave threats kaugnay ng mga pampublikong pahayag laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Ang unang artikulo ay nakatuon sa umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na unang natuklasan ng Kamara sa imbestigasyon ng Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024.

Pangunahing binanggit dito ang notices of disallowance ng Commission on Audit (COA) na nag-flag sa hindi wastong paggamit ng OVP ng P73 milyon sa confidential funds noong huling quarter ng 2022 at karagdagang P375 milyon sa unang tatlong quarter ng 2023.

Sa desisyon nito hinggil sa unang notice of disallowance, pinagtibay ng Commission Proper na nabigo ang OVP na sapat na maipaliwanag ang mga gastusin gamit ang tamang dokumentasyon at hindi nito nasunod ang COA-DBM Joint Circular No. 15, na namamahala sa paggamit, pagpapalabas, pag-uulat, at pag-audit ng confidential funds.

Pinagtibay rin ng Article I ang kaso nito gamit ang findings ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagpapakita ng pagkakatulad ng sulat-kamay sa iba’t ibang acknowledgment receipts na umano’y pirmado ng magkakaibang beneficiaries, kasama ang sertipikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing marami sa mga nakalistang pangalan—kabilang ang malawakang sinuring “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin”—ay hindi umiiral sa civil registry.

Samantala, ang ikalawang artikulo ay nakatuon sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga discrepancy sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte, pati na rin ang umano’y patuloy niyang negosyo habang nagsisilbi bilang bise presidente, gayong mahigpit na ipinagbabawal ng Konstitusyon sa pangulo, bise presidente, at mga miyembro ng Gabinete ang pakikilahok sa anumang negosyo.

Nag-ugat ang alegasyong ito sa malaking agwat sa pagitan ng idineklarang net worth ni Duterte, kanyang kinita bilang opisyal ng gobyerno, at mga naiulat na bank transactions. Ipinakita ng kanyang SALNs na lumaki ang kanyang net worth mula P7.2 milyon noong 2007 hanggang mahigit P88.5 milyon noong 2024, na ayon sa mga miyembro ng Kamara ay tila hindi proporsyonal sa tinatayang kinita niyang humigit-kumulang P30 milyon bilang opisyal ng gobyerno sa parehong panahon. Sa huling anim na taon na naghain si Duterte ng kanyang SALN, natuklasan din ng mga mambabatas na nabigo siyang maayos na ideklara ang kanyang cash on hand at cash in bank bilang hiwalay na line item.

Tinukoy din ng mga mambabatas ang mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakita ng P6.77 bilyon sa covered at suspicious transactions na sangkot ang bise presidente at kanyang asawa mula pa noong 2006, na nagdulot ng seryosong mga tanong kung paano dumaloy ang napakalalaking halaga sa kanilang mga account batay sa kinita ni Duterte bilang opisyal ng gobyerno.

Inaakusahan naman ng ikatlong artikulo ng impeachment ang bise presidente ng panunuhol kaugnay ng umano’y pamamahagi ng cash envelopes sa matataas na opisyal ng DepEd noong siya pa ang kalihim ng edukasyon. Nakabatay ang alegasyon sa mga testimonya at pahayag nina dating Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado, dating Bids and Awards Committee chairperson Resty Osias, at dating chief accountant Rhunna Catalan.

Samantala, ang ikaapat na artikulo ay tumatalakay sa mga alegasyon ng grave threats at inciting to sedition na nagmula sa mga pampublikong pahayag at kaugnay na aksyon ni Duterte. Sentro ng sakdal ang kanyang video press conference noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi niyang kumuha siya ng assassin upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Lahat ng miyembro ng Kamara ay binigyan ng electronic copies at USB storage devices na naglalaman ng Committee Report No. 261 ukol sa House Resolution No. 989, na pinamagatang “A Resolution Setting Forth the Articles of Impeachment against Vice President Sara Z. Duterte,” kasama ang kalakip na mga ebidensya. Binigyan din ng parehong mga materyal ang mga complainant, respondent, at kanyang mga abogado.