Calendar
COA pinagkalooban ng Unmodified Opinion ang MTRCB
MULING kinilala ng Commission on Audit (COA) ang mahusay na pamamahalang pampinansyal ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos nitong pagkalooban ang Ahensiya ng Unmodified Opinion para sa Calendar Year (CY) 2025.
Ito na ang ika-pitong magkakasunod na taon na nakatanggap ang MTRCB ng pinakamataas na audit opinion mula sa COA, patunay ng patuloy na pagsunod nito sa mga umiiral na pamantayan sa pag-uulat at pamamahala ng pondo ng bayan.
Batay sa Annual Audit Report (AAR) na ipinadala ng COA noong ika-2 ng Junyo 2026, makatarungan at tumpak na naipakita ng MTRCB ang kalagayang pampinansyal, mga resulta ng operasyon, cash flows, at iba pang mahahalagang financial information alinsunod sa mga naaangkop na accounting at auditing standards ng pamahalaan.
Isinagawa ang audit alinsunod sa International Standards of Supreme Audit Institutions (ISSAIs) at sinuri ang financial statements, pagsunod sa mga batas at regulasyon, gayundin ang implementasyon ng mga rekomendasyon mula sa mga naunang audit.
Masayang tinanggap ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang resulta ng audit at sinabing ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng buong organisasyon upang mapanatili ang mataas na antas ng integridad at pananagutan sa serbisyo publiko.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa Commission on Audit para sa kanilang masusing pagsusuri at pagkilala sa aming mga pagsisikap. Ang ika-pitong magkakasunod na Unmodified Opinion ay patunay ng matatag na paninindigan ng MTRCB sa transparency, accountability, at responsableng paggamit ng pondo ng bayan,” ani Sotto-Antonio.
Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga opisyal at kawani ng Ahensiya na naging mahalagang bahagi ng nasabing tagumpay.
“Tagumpay ito ng buong MTRCB. Bunga ito ng sama-samang pagsisikap ng bawat opisyal at kawani upang matiyak na ang lahat ng proseso at transaksyon ng Ahensiya ay isinasagawa nang may integridad, kahusayan, at malasakit sa publiko. Habang patuloy nating isinusulong ang modernisasyon ng MTRCB, mananatili tayong tapat sa ating tungkuling maging mabuting katiwala ng pondo ng bayan,” dagdag niya.
Sa liham na kalakip ng ulat, sinabi ng COA na ang isinagawang audit ay nagbigay ng sapat na batayan para sa paglalabas ng Unmodified Opinion. Nagpahayag din ito ng pasasalamat sa suporta at kooperasyong ipinagkaloob ng mga opisyal at kawani ng MTRCB sa buong audit process.
Muling pinagtitibay ng MTRCB ang pangako nito sa mahusay, tapat, at responsableng paglilingkod habang patuloy na isinusulong ang mga programang nagtataguyod ng responsableng panonood, media literacy, at pambansang kaunlaran.
