Calendar
Robin, Kiko nagka-girian sa Senate lounge
UMABOT umano sa Senate VIP Lounge nitong Miyerkules ang tensyon sa pagitan nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senador Robinhood Padilla, isang restricted area na para lamang sa mga senador, isang araw matapos ang mainit nilang sagutan sa plenaryo kaugnay ng mga usaping may kinalaman kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon sa mga ulat, nagpalitan umano ng maaanghang na salita ang dalawang senador sa VIP Lounge habang nagpapatuloy ang kanilang girian kasunod ng sesyon noong Martes.
Nagsimula ang isyu sa plenaryo nang magbigay si Padilla ng manifestation kaugnay ni Dela Rosa, na muling lumitaw sa Senado sa gitna ng legal na usapin kaugnay ng isang International Criminal Court-related warrant.
Nagtaas ng point of order si Pangilinan at kumontra habang nagsasalita si Padilla, sabay giit na nasa kanya pa rin ang floor.
“I still have the floor!” ani Pangilinan.
Kalaunan, minasama ni Padilla ang pagtataas umano ng boses ni Pangilinan at sinabing nais niyang humingi ng paumanhin ang senador sa plenaryo dahil doon din nangyari ang insidente.
“Mag-apologize siya. Kailangan sa plenary niya gawin, kasi sa plenary niya ako sinigawan eh,” ani Padilla.
Gayunman, nanindigan si Pangilinan na handa siyang harapin si Padilla sa Senate Ethics Committee sakaling ituloy ang reklamo.
Ayon kay Pangilinan, hindi naiiwasan ang pagtataas ng boses sa mainit na debate sa Senado at kung sapat iyon para sa isang ethics case, marami na sanang senador ang nasampahan ng reklamo.
“Yung pagtataas ng boses sa mainit na debate ay hindi man kagustuhan ay hindi naiiwasan at malimit na nangyayari sa plenaryo. Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan,” ani Pangilinan.
Sinabi rin ni Pangilinan na sasagutin niya ang anumang ethics complaint ng kontra-reklamo, kaugnay ng inilarawan niyang paglabag umano ni Padilla sa parliamentary rules, kawalan ng proper decorum, at umano’y pagbabanta habang naka-recess ang plenary session.
Nauna rito, pansamantalang sinuspinde ang sesyon dahil sa tensyon sa plenaryo. Habang naka-recess, nakita si Pangilinan na iniabot ang kanyang kamay kay Padilla, ngunit tumanggi si Padilla sa gesture.
Ang iniulat na insidente sa VIP Lounge ay nangyari habang patuloy ang tensyon sa Senado kaugnay ng biglaang paglitaw ni Dela Rosa sa kapulungan, ang paglalagay sa kanya sa Senate protective custody, at ang iniulat na pagtatangka ng law enforcement agents na maabutan siya sa loob ng Senate complex.

