Khonghun

Survey pinakita pinahahalagahan ng publiko trabaho ng Kamara, kabilang ang impeachment ni VP Sara Duterte — DS Khonghun

44 Views

AYON kay Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales nitong Huwebes, ipinapakita ng pinakabagong survey na pinahahalagahan ng mga mamamayan ang trabaho ng House of Representatives of the Philippines, kabilang na ang impeachment laban kay Sara Duterte.

“Nakikita ng ating mga kababayan na natatrabaho ang kanilang mga inihalal na kinatawan sa Kongreso. Nagpapasalamat po kami sa patuloy ninyong suporta,” ani Khonghun.

Ginawa ni Khonghun ang pahayag bilang tugon sa survey ng Tangere na nagpapakitang napanatili ng Kamara ang 51-porsiyentong satisfaction rating at 52-porsiyentong trust rating nito.

Ayon sa Tangere, nabawasan ang negatibong pananaw ng publiko sa mababang kapulungan ng Kongreso, kung saan bumaba sa 29 porsiyento ang dissatisfaction at sa 30 porsiyento naman ang distrust.

Isinagawa ang survey mula Mayo 12 hanggang 13 at kasabay ito ng mga impeachment hearing ng Kamara, na nauwi sa pagsusumite ng impeachment charges laban sa Bise Presidente sa Senado.

Ipinakita rin ng survey na 52 porsiyento ng mga respondent ang sumusuporta sa impeachment, habang 37 porsiyento naman ang tutol dito.

Ayon kay Khonghun, malinaw na sinusubaybayan ng publiko ang impeachment proceedings at patuloy nilang sinusuportahan ang proseso, gaya ng ipinapakita sa survey.

“Ito ay naaayon sa mga nakaraang survey na nagpapakitang nais ng publiko na humarap si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial dahil sa mga umano’y paglabag sa Konstitusyon, kabilang ang graft and corruption, panunuhol, betrayal of public trust, umano’y ill-gotten wealth, kabiguang ideklara ang ilang ari-arian, at mga banta na ginawa niya laban kay Pangulong Bongbong Marcos, sa First Lady, at kay dating Speaker Martin Romualdez,” aniya.

Ngayong naisumite na ng Kamara ang articles of impeachment, sinabi ni Khonghun na umaasa ang mga miyembro ng mababang kapulungan na agad sisimulan ng Senado ang paglilitis “forthwith” ayon sa itinatakda ng Konstitusyon.

“Umaasa kami sa pahayag ng bagong Senate President na si Alan Peter Cayetano na agad na magsasagawa ng paglilitis ang Senado,” dagdag niya.

Iniugnay rin ni Khonghun ang maayos na trust at satisfaction ratings ng Kamara sa “matatag at makabagong” pamumuno nina Speaker Faustino ‘Bojie’ G. Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos.

“Pinananatili nilang masipag kaming nagtatrabaho. Sa ilalim ng kanilang paggabay, naipasa ng Kamara ang 20 prayoridad na panukalang batas na inendorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC,” aniya.

“Nakikita at kinikilala ng publiko na hindi lamang namin pinroseso ang mga reklamong impeachment laban sa Bise Presidente, kundi gumawa rin kami ng mga hakbang upang maipasa ang mga panukalang makatutulong sa mamamayan, lalo na sa mahihirap,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga panukalang LEDAC na naaprubahan na ng House of Representatives ang pagpapaliban ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na ganap nang naging batas.