Alert Larawan: National Grid Corporation of the Philippines

Power plant unit nag-trip, Red Alert sa Luzon mas humaba

56 Views

MAS humaba pa ang Red Alert sa Luzon grid ngayong Biyernes matapos mag-trip ang isang power plant unit, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa advisory ng NGCP nitong alas-11:45 ng umaga, pinalawig ang Red Alert mula alas-2 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi. Naka-yellow alert naman mula alas-1 hanggang alas-2 ng hapon at alas-11 ng gabi hanggang alas-12 ng madaling araw.

Ayon sa NGCP, nasa 12,075 MW lamang ang available capacity habang inaasahang aabot sa 12,927 MW ang peak demand.

Dagdag pa ng NGCP, lumala ang kakulangan sa suplay ng kuryente matapos mag-trip ang GNPD Unit 1 na nagresulta sa pagkawala ng 668 MW sa grid.

Sa kabuuan, 17 planta ang naka-forced outage ngayong Mayo habang 14 pa ang tumatakbo sa derated capacities, dahilan para mawalan ng kabuuang 4,828 MW sa Luzon grid.

Ipinaliwanag ng NGCP na ang Red Alert ay itinataas kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente para tugunan ang demand at regulating requirement ng transmission grid.