Iranian

Iranian nat’l huli sa pagbenta ng P18.6M gold bar, pagtutok ng baril sa biktima

Edd Reyes May 16, 2026
25 Views

PATONG-PATONG na kaso ang kakaharapin ng 32-anyos na Iranian national matapos tutukan ng baril at takutin ang niloko niyang negosyante na pinagbentahan ng P18.6 milyong halaga ng pekeng mga ginto Biyernes ng gabi sa Makati City.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nakipag-transaskiyon ang dayuhang si alyas “Saeid” sa biktima dakong alas-11:10 ng gabi sa isang opisina na nasa loob ng isang hotel sa Brgy. Poblacion, Makati City kaugnay sa pagbebenta ng P18,660,000 halaga ng 60 piraso ng bara ng ginto.

Nang tanggapin ng suspek ang kabayaran, ibinigay niya sa biktima ang isang maletang may kandado na naglalaman ng mga bara ng ginto pati na ang “certificate of authenticity” bilang patunay na hindi ito peke.

Gayunman, nang suriin at timbangin ng biktima at testigo ang mga ginto, natuklasan nilang peke ang mga ito kaya’t kinompronta ang suspek at pilit na ipinababalik ang perang kanilang naibayad.

Dito na bumunot ng kalibre .9mm pistol ang dayuhan na itinutok sa biktima at tinakot na papatayin kapag tumawag ng pulis. Hindi naman nagpasindak ang dalawa at nakipambuno sa dayuhan hanggang maagaw nila ang armas na dahilan para maaresto ang suspek ng mga nagrespondeng tauhan ng Makati police.

Sinabi ni Makati police chief Col. Pedro Alagano, Jr. na sasampahan nila ng mga kasong swindling, grave threats, grave coercion, falsification of documents, at paglabag sa R.A. 10591 violation of Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang dayuhan sa piskalya ng Makati.