Adiong

Adiong: Handa na ang House prosecution, mga pribadong abogado para sa paglilitis kay VP Duterte

36 Views

SINABI ni House trial spokesperson na si Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na handa na ang House prosecution team at mga pribadong abogado nito na sumunod sa proseso ng Senate impeachment court habang papasok sa susunod na yugto ang paglilitis kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.

Ayon kay Alonto Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, nakapagpatibay na ang Senado ng iskedyul na inaasahang susundin ng magkabilang panig matapos magtipon ang kapulungan bilang impeachment court.

“Well, ang Senado ay nakapagpatibay at nakapagtakda na ng timeline. Maliban na lamang kung magkaroon ng malalaking pagbabago,” ani Alonto Adiong sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel.

“Hindi natin alam. Pero base sa mga petsa at timeline na kanilang itinakda, sigurado akong parehong kampo ay susunod sa summons o writ of summons,” dagdag niya.

Inaasahang magsisimula ang proseso sa pagpapadala ng summons kay Duterte, kasunod ang pagsusumite ng sagot, reply, at iba pang preparatoryong hakbang bago ang aktuwal na paglilitis.

“At oo, marahil pagsapit ng Hunyo ay magsisimula na ang aktuwal na trial,” pahayag ni Adiong.

Sinabi ni Adiong na nananatiling kumpiyansa ang prosekusyon na kapag naiharap na ang ebidensiya sa publiko at sa Senate impeachment court, susuriin ang kaso batay sa lakas ng mga opisyal na rekord.

“Sa oras na maiprisinta namin ang mga ebidensiya sa taumbayan at sa Senado bilang impeachment court, positibo ako na magiging paborable ang magiging resulta,” ani Adiong.

Saklaw ng impeachment case ng Kamara laban kay Duterte ang mga alegasyon kaugnay ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, umano’y panunuhol, at mga pagbabanta, na inaasahang ihaharap ng prosekusyon sa harap ng mga senator-judges.

Ayon kay Adiong, bahagi rin ng paghahanda ang mga pribadong prosecutor, bagama’t tumanggi siyang pangalanan ang mga ito bago magsimula ang pormal na paglilitis.

“Hindi ako partikular na may alam sa mga pangalan nila, pero may mga private prosecutors din,” sabi ni Adiong. “Hindi ko lang masabi ang eksaktong mga pangalan at kanilang law firm,” dagdag niya.

Nang tanungin kung handa na ang mga pribadong prosecutor, malinaw ang sagot ni Adiong.

“Oh yeah, yeah, they’re very ready,” diin niya.

Sinabi rin ng mambabatas mula Lanao del Sur na nais ng panig ng prosekusyon na manatiling sumusunod sa mga alituntunin ng Senate impeachment court at maging handa sa anumang direktibang maaaring ilabas habang umuusad ang iskedyul ng paglilitis.

“Gusto nila maging compliant sa Senate. Anytime na puwede silang papuntahin,” ani Adiong.

Nang tanungin kung naka-standby na ang mga prosecutor sakaling tawagin sila, kinumpirma ni Adiong ang kanilang kahandaan.

“They’re on standby,” dagdag niya.

Ayon pa kay Adiong, handa ang House prosecution panel na sundin ang prosesong itinakda ng impeachment court at iharap ang kanilang kaso kapag inatasan na silang gawin ito.

Sinabi ng mambabatas na ang mga susunod na yugto ang magtatakda kung paano didinggin at susubukin ang mga ebidensiya, ngunit handa na ang prosekusyon na magpatuloy alinsunod sa mga patakarang pinagtibay ng Senado.