Calendar
Hiling ni Bato na TRO vs arrest warrant ng ICC binasura ng SC
TINANGGIHAN ng Supreme Court of the Philippines En Banc ang kahilingan ni Senador Ronald dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at/o status quo ante order (SQAO) na naglalayong pigilan ang mga ahensiya ng gobyerno na siya ay arestuhin batay sa anumang warrant na inilabas ng International Criminal Court o kaugnay na international law enforcement notices.
Sa isang special session na ginanap noong Miyerkules ng umaga, kumilos ang Mataas na Hukuman hinggil sa G.R. No. 278747 na inihain nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Ronald dela Rosa laban kay Executive Secretary Lucas Bersamin at iba pang opisyal ng gobyerno.
Ayon sa Korte Suprema, ibinasura ang petisyon para sa interim relief sa botong 9-5-1.
Sa kanyang mga manifestation na iniharap sa Korte, hiniling ni Dela Rosa sa SC na pigilan ang Department of the Interior and Local Government, Department of Foreign Affairs, Department of Justice, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group sa pagpapatupad ng anumang pag-aresto laban sa kanya batay sa ICC warrant, Interpol red notice o diffusion, o anumang dayuhang judicial o quasi-judicial instrument nang walang warrant mula sa hukuman ng Pilipinas.
Nilinaw ng Mataas na Hukuman na ang kanilang napagpasyahan lamang sa ngayon ay ang kahilingan para sa interim relief at hindi pa nila dinidinig o pinapasyahan ang pangunahing mga isyung nakasaad sa petisyon at mga kaugnay na pleadings.
Inanunsyo rin ng SC na ang buong resolusyon, kasama ang magkakahiwalay na concurring at dissenting opinions ng mga mahistrado, ay ia-upload sa website ng Korte Suprema sa susunod na linggo.

