Bitrics1

Maraming beteranong abogado ang nais sumali sa impeachment trial ni VP Sara

102 Views

SINABI noong Huwebes ni LEAD impeachment prosecutor at House Committee on Justice Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas na maraming beteranong trial lawyer at law firm ang nagpahayag ng interes na sumama sa prosecution team sa paglilitis kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte sa Senate impeachment court.

“Napakahirap talagang mamili sapagkat lahat ng nagpapahayag ng kanilang tulong sa public prosecutors ay talagang mga batikan at magagaling na trial lawyers,” sinabi ni Luistro, isang abogado, sa programang Kongreso Ngayon @ Your Service na pinangungunahan nina Manila Rep. Bienvenido Abante at beteranong brodkaster na si Ed Sarto sa dzME.

Ayon kay Luistro, nakapili na ang House prosecution panel ng ilang abogado na maaaring magsilbing private prosecutors, ngunit nagpapatuloy pa rin ang mga talakayan dahil sa dami ng mga abogadong nagboboluntaryong tumulong.

“To your question, meron na kaming napiling ilan subalit hindi pa kami tapos sapagkat napakarami pa na dapat naming makonsidera,” ani Luistro.

“But of course our intention is to come up only with reasonable number of private prosecutors,” dagdag niya.

Sinabi niya na balak ng prosecution panel na ihayag sa publiko ang pinal na listahan kapag natapos na ang proseso ng pagpili.

Ayon kay Luistro, ilang salik ang isinasaalang-alang ng panel sa pagpili ng mga abogadong tutulong sa pag-usig sa impeachment case, kabilang ang kanilang karanasan sa paglilitis, kaalaman sa mga alegasyon, at kakayahang maging available sa buong panahon ng paglilitis.

“Definitely, kasama iyan,” sagot niya nang tanungin kung isinasama sa mga konsiderasyon ang kaalaman ng mga abogado sa mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment.

“Maraming factors ang kinoconsider natin perhaps you can consider also their availability kung kapag nailatag na lahat ng dates ng impeachment court ay ilalatag din natin sa kanila ‘yan if their services will be completely available during those period of time,” ani Luistro.

Ang 11-miyembrong prosecution panel ay binubuo nina Luistro at mga Kinatawan na sina Terry Ridon (Bicol Saro Party-list), Ramon Rodrigo Gutierrez (1-Rider Party-list), Ysabel Maria Zamora (San Juan City), Lorenz Defensor (Iloilo 3rd District), Jose Manuel “Chel” Diokno (Akbayan Party-list), Leila de Lima (Mamamayang Liberal Party-list), Kaka Bag-ao (Dinagat Islands), Jonathan Keith Flores (Bukidnon 2nd District), Lordan Suan (Cagayan de Oro 1st District), at Joel Chua (Manila 3rd District).

Nagtipon na ang Senado bilang impeachment court matapos pormal na ipadala ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte.

Iniaakusa sa Articles of Impeachment si Duterte ng maling paggamit ng confidential funds, pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta sa matataas na opisyal ng bansa.