Bitrics2

Ang impeachment trial ay pagkakataon din ni VP Sara upang linisin ang kanyang pangalan — Luistro

128 Views

Iginiit noong Huwebes ni LEAD impeachment prosecutor at House Committee on Justice Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas na ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte ay hindi lamang proseso para tukuyin ang pananagutan, kundi pagkakataon din para sa nasasangkot na opisyal na linisin ang kanyang pangalan sa harap ng sambayanang Pilipino.

“Kaya nga two-way itong impeachment trial na ito,” sinabi ni Luistro, isang abogado, sa programang Kongreso Ngayon @ Your Service na pinangungunahan nina Manila Rep. Bienvenido Abante at beteranong brodkaster na si Ed Sarto sa dzME.

“Kung wala namang ebidensyang magpapatunay na nagkasala ang Vice President, pagkakataon din ito para agad na maibasura ang Articles of Impeachment at luminis ang kanyang pangalan.”

Ginawa ni Luistro ang pahayag habang pinaigting ng 11-miyembrong House prosecution panel ang paghahanda para sa paglilitis kay Duterte matapos pormal na ipadala ng Kamara ang Articles of Impeachment at magtipon ang Senado bilang impeachment court.

Bukod kay Luistro, kabilang sa prosecution team sina Reps. Terry Ridon (Bicol Saro Party-list), Ramon Rodrigo Gutierrez (1-Rider Party-list), Ysabel Maria Zamora (San Juan City), Lorenz Defensor (Iloilo 3rd District), Jose Manuel “Chel” Diokno (Akbayan Party-list), Leila de Lima (Mamamayang Liberal Party-list), Kaka Bag-ao (Dinagat Islands), Jonathan Keith Flores (Bukidnon 2nd District), Lordan Suan (Cagayan de Oro 1st District), at Joel Chua (Manila 3rd District).

Iniaakusa sa Articles of Impeachment si Duterte ng maling paggamit ng confidential funds, pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta sa matataas na opisyal ng bansa.

Ayon kay Luistro, binibigyan ng impeachment process ng pagkakataon ang parehong prosekusyon at depensa na maipresenta nang buo ang kanilang mga ebidensya sa Senate impeachment court.

“Kapag sinabi nating convicted ang respondent, ibig sabihin ay napatunayang siya ay may sala at ang parusa rito ay pagtanggal sa puwesto at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno sa hinaharap,” ani Luistro.

“At kung acquitted naman, ibig sabihin ay napatunayang walang sala ang respondent,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Luistro na bagamat walang nakatakdang mahigpit na deadline sa Senate Rules on Impeachment para tapusin ang paglilitis, inaasahang maglalabas ng desisyon ang mga senator-judge matapos maipresenta ng magkabilang panig ang kanilang ebidensya.

“Ilang beses kong sinuri ang Senate Rules on Impeachment at walang nakalagay na deadline kung kailan dapat matapos ang trial ng Articles of Impeachment,” aniya.

“Pero siyempre, ang magandang timeline diyan ay kapag natapos na ang presentasyon ng ebidensya ng prosecution at defense, iyon na rin dapat ang panahon para sila ay magdesisyon,” sabi ni Luistro.