Sandro

Libreng licensure exam para sa mga indigenous people pinagtibay sa Kamara

Mar Rodriguez May 22, 2026
96 Views

DyINAPRUBAHAN na sa Plenaryo ng Kamara de Representantes para sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na nagbibigay ng libreng licensure exams para sa mahihirap at katutubong Pilipino sa ating bansa.

Bilang malaking hakbang upang mabuksan ang oportunidad para sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunang Pilipino. Pinagtibay na ng Kongreso ang panukala na naglalayong magbibigay ng libreng professional at civil service examinations para sa mga kwalipikadong indigent at miyembro ng mga indigenous peoples at indigenous cultural communities.

Sa ilalim ng pamumuno na inakda nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, inaprubahan ng mayorya ng mga mambabatas ang House Bill No. 8869, o ang panukalang “Free Professional Examinations Act” sa pamamagitan ng botong 266 pabor, walang tumutol, at isang abstention.

Ang HB 8869 ay pinagsamang bersyon ng HB Nos. 82, 220, 453, 1810, 1914, 2488, 2892, 3832, 4067, 4491, 4504, at 5731 na inihain nina Reps. Ramon Jolo Revilla III, Lani Mercado-Revilla, Bryan Revilla, Crispin Diego Remulla, Omar Vincent Duterte at iba pang mambabatas.

Layunin ng House Bill No. 8869, sabi ni Marcos, na alisin ang isa sa pinakamalalaking hadlang na pumipigil sa maraming Pilipino upang maging lisensyadong propesyonal o makapasok sa serbisyo publiko ang gastos sa mga pagsusulit na ibinibigay ng Professional Regulation Commission (PRC) at Civil Service Commission (CSC).

Ayon pa sa House Majority Leader, kinikilala ng panukalang ito na maraming karapat-dapat na Pilipino ang may talino at determinasyon upang magtagumpay ngunit napipigilan ng kahirapan at kakulangan sa oportunidad.

“Marami tayong kababayan na matalino, masipag at may pangarap, pero hindi man lang makapag-exam dahil kapos sa pera. Hindi dapat pera ang maging hadlang para makapagtrabaho at umasenso ang isang Pilipino,” ayon kay Marcos.

“Ang panukalang ito ay tungkol sa pagbibigay sa bawat kwalipikadong Pilipino ng patas na pagkakataon upang maging propesyonal, magkaroon ng mas maayos na trabaho, at maiangat ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng edukasyon at pagsisikap,” dagdag ng Majority Leader.

Sa ilalim ng panukala, hindi na pagbabayarin ang mga kwalipikadong indigent sa written examination fees para sa PRC licensure examinations at CSC eligibility examinations.