BI

BI chief inutos mas aktibong presensya ng immigration agents sa Siargao

Jun I Legaspi May 23, 2026
179 Views

BIINUTOS ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang mas matibay na presensya ng immigration agents sa Siargao upang tugunan ang lumalaking alalahanin ng komunidad kaugnay ng mga paglabag sa immigration, kaayusan ng publiko at responsableng turismo.

Binanggit ni Viado na bukas ang Pilipinas sa mga lehitimong turista, mamumuhunan, estudyante at dayuhang residente na rumerespeto sa batas, kultura at komunidad.

Ang mga dayuhan na lalabag sa batas ng immigration, magdudulot ng kaguluhan o aabuso sa kabutihang-loob ng mga Pilipino ay haharap sa kaukulang parusa gaya ng deportation at blacklisting, ayon sa BI.

Kabilang sa mga reklamo ang overstaying foreigners, ilegal na pagtatrabaho, paglabag sa kalikasan at iba pang gawain na nakakaapekto sa komunidad.

Nanawagan ang BI chief ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng pambansang pamahalaan at LGUs sa pamamagitan ng joint operations, information-sharing at community-based monitoring.

Maglulunsad ang BI ng serye ng trainings para sa LGUs at partner agencies upang palakasin ang kaalaman sa immigration laws, pagtukoy ng paglabag, at mas mahusay na pagtugon sa mga reklamo.

“Ang aming layunin ay simple: protektahan ang ating mga komunidad, panatilihin ang rule of law, at tiyakin na ang Pilipinas ay nananatiling ligtas, kagalang-galang, at bukas para sa mga responsableng bisita,” sabi ni Viado.