Martin

Panukalang ibalik sa NFA mamagitan sa presyo ng bigas suportado ng farmers’ groups

Mar Rodriguez May 26, 2026
105 Views

Martin1SUPORTADO ng mga magsasaka ang panukalang ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na mamagitan sa market price sa presyo ng bigas, ayon kay Quezon 1st District Rep. Mark Enverga.

Nagpahayag ng suporta ang grupo ng mga magsasaka at prodyuser ng agrikultura sa isang panukalang batas na naglalayong ibalik ang kapangyarihan ng NFA na makialam o mamagitan sa merkado ng bigas.

Kabilang sa mga grupong sumusuporta ang Federation of Free Farmers (FFF) at Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Sinabi ng kongresista na tinalakay ang substitute bill na nagsasama-sama sa 26 na magkakaugnay na panukala para sa itinataguyod na Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act, kabilang ang House Bill (HB) No. 1 na pangunahing akda ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

“Dahil sa patuloy na kawalan ng katatagan sa presyo, pagsisikip ng mga bodega, at huminang pagbili ng palay, may matinding pangangailangan na ngayon na ibalik sa NFA ang ilan, kung hindi man lahat, ng orihinal nitong kapangyarihan sa regulasyon at market intervention,” ayon naman kay Romualdez.

Ayon kay Raul Montemayor ng FFF, mas matatag ang presyo ng bigas bago isabatas ang Rice Tariffication Law (RTL) noong may awtoridad pa ang NFA na malayang magbenta ng mga imbak nitong bigas upang maimpluwensyahan ang presyo sa merkado.

“Ngayon po, malikot ang galaw ng presyo ng bigas, up and down, ang mga mamimili.

Kabilang ang mga magsasaka ng palay na marami ay bumibili rin ng mismong pangunahing pagkain na kanilang itinatanim, ang labis na naaapektuhan ng hindi matatag na merkado ng bigas,” wika ni Montemayor.

“Ang mga middleman—mga trader, importer, at wholesaler—ang siyang nakikinabang sa sistema sa ilalim ng RTL,” dagdag pa nito.

Iminungkahi ni Montemayor sa komite na ampunin ang mga magagandang kasanayan bago at pagkatapos ng RTL, “at itapon naman ang mga masasamang sistema.”

Sinabi ni SINAG executive director Jayson Cainglet na sinusuportahan ng kanyang grupo ang panukalang palawakin ang kapangyarihan ng NFA na bumili ng palay upang matulungan ang mga magsasaka.