Calendar
Minorya kinondena tangkang baguhin ‘Senate rules’
IPINAGTANGGOL ng minority bloc sa Senado na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang kanilang walkout sa plenaryo at sinabing ginawa nila ito bilang pagtutol sa tinawag nilang pagtatangkang madaliin ang malaking pagbabago sa Senate Rules hinggil sa remote na paglahok habang may mga senador pang nais kuwestiyunin ang panukala.
Kabilang sa Sotto-led bloc sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Senador Sherwin Gatchalian, Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senadora Risa Hontiveros, Senador Erwin Tulfo, Senador Raffy Tulfo, Senador Manuel “Lito” Lapid, Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Senador Joseph Victor “JV” Ejercito at Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Nabuo ang minority bloc matapos ang May 11 leadership change na nagluklok kay Senate President Alan Peter Cayetano at naglagay kay Sotto sa minorya. Ayon sa mga naunang ulat, sumama rin sa minorya sina Zubiri at Ejercito noong May 18, kaya umabot sa 11 ang miyembro ng bloc.
Sa isang joint statement, sinabi ng minorya na maaapektuhan ng panukalang rule change ang paraan ng pagdalo ng mga senador sa sesyon, paglahok sa proceedings at pagtupad sa kanilang mandato sa pamamagitan ng remote means.
“We strongly condemn what appears to be an attempt to rush a major change in the Senate Rules, especially when several members of the minority still wanted to speak and raise serious questions on the floor,” ayon sa pahayag.
Napansin ang panukalang pagbabago dahil may kinalaman ito sa remote participation sa Senate proceedings, isang rule na maaaring makaapekto sa attendance, botohan at paglahok ng senador sa floor kapag wala siya sa session hall.
Kinuwestiyon ng minorya kung bakit kailangang madaliin ang panukala at kung bakit kailangang i-divide ang House habang may mga senador pang nagtatanong tungkol sa proseso.
“Bakit kailangang madaliin? Bakit kailangang pigilan ang mga gustong magsalita? Bakit kailangang i-divide ang house kung marami pang senador ang nagtatanong tungkol sa proseso?” sabi ng pahayag.
Tinanong din ng minorya kung minamadali ba ang panukala upang makaboto sa pamamagitan ng remote means si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ng mga ulat na may ilang majority senators na maaaring arestuhin.
“Minamadali ba ang rule change na ito dahil gusto nilang maka boto si Senator Bato? At ngayong may mga ulat na may mga majority senators na maaaring arestuhin?” sabi ng minorya.
Sinabi ng minorya na nag-walkout sila dahil ang nangyari sa plenaryo ay tila hindi na maayos na deliberasyon at dahil dapat isailalim sa maayos at bukas na pampublikong talakayan ang panukalang rule change sa halip na madaliin sa tinawag nilang “tyranny of the majority.”
Kinuwestiyon din ng grupo ang proseso dahil wala umanong duly constituted Committee on Rules at wala ring elected Majority Leader noong isalang ang mosyon.
“At the time the motion was taken up, there was no duly constituted Committee on Rules and there was not even an elected Majority Leader who could properly guide a rules amendment through the regular process,” sabi ng pahayag.
Dumating ang isyu habang inaayos pa ng Senado ang epekto ng leadership realignment sa committee posts, bilang ng mga bloc at kontrol sa floor proceedings. Iginiit ng minorya na ang rules amendment na may ganitong saklaw ay dapat dumaan sa regular na proseso sa halip na direktang itulak sa floor.
Ayon sa minorya, hindi sapat ang sagot na walang nalabag na Senate rule dahil ang mismong proseso ng pag-amyenda sa rules ang seryosong kinukuwestiyon.
“With due respect, the answer that no Senate rule had been violated does not settle the matter, because the rules cannot be treated as a matter of convenience when the very process for amending them is under serious question,” sabi ng pahayag.
Sinabi ng grupo na pinili nilang tumayo, iwan ang majority sa plenaryo, kuwestiyunin ang quorum at manawagan ng adjournment.
“Kaya pinili naming tumayo at iwan ang majority sa plenary. Kaya kami nagdesisyon to question the quorum and call for adjournment,” sabi ng pahayag.
“If the proposal is truly defensible, then let it pass through the proper route,” sabi ng minorya.
Idinagdag ng pahayag na may tungkulin ang mga senador sa taumbayan na gampanan ang kanilang mandato kaya nais ng minorya ng mas mahabang panahon para talakayin ang panukala.

