Senator

Hahatulan din ng mga Pilipino mga senator-judges sa paglilitis kay VP Sara — Adiong

54 Views

SINABI ni House trial spokesperson na si Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur nitong Martes na mismong mga Pilipino ang huhusga kung paano kikilos ang mga senator-judges sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte.

Ayon kay Alonto Adiong, hindi lamang ebidensya laban kay Duterte ang susubukin sa mga pagdinig kundi pati na rin ang kredibilidad, pagiging patas, at katapatan sa Konstitusyon ng Senado bilang impeachment court.

“Inaasahan naming gaganap nang naaayon ang mga senator-judges, ibig sabihin kailangan nilang maging patas at bukas ang isip sa pagtanggap at pagsusuri ng mga ebidensya,” ani Alonto Adiong sa programang Morning Matters ng One News PH.

Naipatawag na ng Senado ang impeachment court at inatasan si Duterte na sagutin ang Articles of Impeachment na ipinadala ng House of Representatives. Inaasahang magsisimula ang mga pre-trial proceedings sa susunod na buwan.

Kinahaharap ng Bise Presidente ang mga alegasyon kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol at korapsyon sa mga opisyal ng Department of Education, at pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sinabi ni Alonto Adiong na mahigpit na babantayan ng mga Pilipino sa buong bansa ang makasaysayang paglilitis, at susuriin din ng publiko kung paano kikilos ang mga senator-judges habang isinasagawa ang paglilitis.

“Sa impeachment trial, hindi lamang ang mga senator-judges ang direktang sangkot sa pagsusuri at pag-evaluate ng mga ebidensya o testimonya ng mga testigo, kundi maging ang pangkalahatang publiko, ang sambayanang Pilipino, ay huhusga rin sa mismong paglilitis,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng House spokesperson na mahalaga ang partisipasyon ng publiko upang matiyak ang transparency, pananagutan, at tiwala sa proseso ng impeachment.

“Iyan mismo ang nais naming makamit sa paghikayat sa publiko na makilahok sa pampublikong diskurso, manood at sumubaybay sa mga pagdinig, at manatiling updated sa mga pangyayari habang kumukuha ng tama at tumpak na impormasyon mula mismo sa hukuman,” dagdag pa niya.

Hinimok din ni Alonto Adiong ang mga Pilipino na manatiling mapagmatyag laban sa fake news at disinformation kaugnay ng impeachment proceedings, at sinabing dapat na facts o katotohanan ang maging gabay sa prosesong konstitusyonal, hindi mga baluktot na salaysay.