Garin Source: House of Representatives

Garin: Fake news at Cha-Cha”na panggugulo, pinakamalaking banta sa paglilitis ni VP Sara

49 Views

ANG fake news, mga inuulit na kontrobersiya, at biglaang mga pananakot kaugnay ng Charter change (Cha-cha) ang itinuturing ngayong pinakamalaking hamon sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado, dahil maaaring mailihis nito ang atensyon ng publiko mula sa tunay na mga reklamo at ebidensyang inihain laban sa kanya.

Ito ang babala ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo, isa sa mga tagapagsalita ng House prosecution team, habang naghahanda ang Senado na dinggin ang impeachment case matapos makakita ang Committee on Justice ng probable cause sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, maling paggamit ng pondo ng bayan, at pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at iba pang opisyal.

“Fake news. Pilit kasing nililihis, pilit na iniiba,” diin ni Garin sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel.

Lumabas ang babalang ito habang hinaharap ng Senado ang epekto ng binawi ni Sen. Imee Marcos na mga pahayag tungkol sa Con-Ass, na tinawag naman ng mga senador ng minorya bilang propaganda at fake news.

“Ang daming issues na pinapasok, ito binabalik ‘yung issue ng PhilHealth, merong Leachon filed a plunder case against the Executive Secretary, ang daming kung ano-ano pinapalabas Con-Ass, Cha-Cha na talagang hindi pinag-uusapan at nakakatawa,” ani Garin.

Para kay Garin, hindi dapat mauwi sa ingay ng pulitika ang impeachment trial dahil naghihintay ang bansa ng mga sagot hinggil sa mga reklamong ipinadala sa Senado.

“Bottom line is, pilit linilihis ang usapan na ang impeachment, ano ba ang complaints, ano tinutukoy,” pahayag ni Garin.

Ayon sa kanya, natapos na ng Kamara ang tungkulin nito ayon sa Konstitusyon sa proseso ng impeachment at hindi dapat hayaang lamunin ng paglilitis ang iba pa nilang gawain.

“Again we’re saying hindi lamang po impeachment ang tratrabuhin kasi obligasyon ng Senado ‘yan kami tapos na kami, nagawa na namin ang aming tungkulin,” paliwanag niya.

Sinabi rin ng lider ng Kamara mula Iloilo na magpapatuloy ang House of Representatives sa pagtugon sa iba pang mahahalagang suliranin ng publiko, lalo na ang may kinalaman sa gastusin ng mga pamilya at pang-araw-araw na pamumuhay.

“Hindi namin papabayaan ‘yung iba namin tungkulin sa mahal na kuryente, mahal na gasolina, ‘yung dapat pababain ‘yung presyo ng pagkain,” dagdag ni Garin.

Nanatiling isa ang impeachment case sa pinakamabigat na usaping pampulitika sa bansa, kung saan inaasahang uupo ang Senado bilang impeachment court upang timbangin ang mga kasong maaaring makaapekto sa hinaharap na pulitikal ni Duterte bago ang 2028.

“So the biggest challenge that we have in the impeachment trial that will be happening, that is already happening in the Senate is fake news,” babala ni Garin.

Aniya, hindi lamang ang pag-iral ng maling impormasyon ang panganib kundi pati ang paulit-ulit na pagtatangkang ilihis ang usapan ng publiko mula sa mga isyung dapat talagang resolbahin ng Senado.

“Yung pilit na ilihis ang usapan, pilit na ipakita at linlangin ‘yung publiko sa mga talagang dapat pag-usapan,” dagdag pa niya.