Calendar
Adiong nagpahayag ng pag-aalala sa remote voting sa Senado
NAGPAHAYAG noong Miyerkules ng pag-aalala si House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur kaugnay sa mga panukalang papayagan ang mga senador na makilahok at bumoto nang remote o online sa mga pagdinig ng Senado, at nagbabala na maaaring maapektuhan nito ang solemnidad na inaasahan sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Kasabay nito, nagpasalamat si Alonto Adiong sa mga senador, partikular sa minority bloc, na tumutol sa panukalang pagbabago ng patakaran, at sinabing tama ang kanilang ginawa upang maprotektahan ang integridad at solemnidad ng Senado bago ang impeachment trial.
“We fully respect the Senate as an independent institution, but we strongly believe that impeachment proceedings require personal presence, personal accountability and full attention from every senator-judge,” pahayag ni Alonto Adiong.
“Wala naman pong pandemic o anumang extraordinary situation ngayon na magja-justify ng online participation, lalo na habang nalalapit ang impeachment trial,” dagdag niya.
Uminit ang debate matapos ihain ni acting Majority Leader Joel Villanueva ang mosyon upang ikonsidera ang amyendang iminungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na magpapahintulot sa mga senador na dumalo sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing.
Ang sigalot ay nauwi kalaunan sa walkout ng mga senador ng minorya, na nagresulta sa kawalan ng quorum at pag-a-adjourn ng sesyon.
Binigyang-diin ni Alonto Adiong na kahit para sa pangkalahatang proceedings ng Senado ang panukala, mas nagiging mahalaga ang usapin dahil naghahanda ang Senado na magtipon bilang impeachment court.
“This is not an ordinary period in the Senate. Once senators sit as judges in an impeachment court, the Filipino people expect them to be physically present, listening to the evidence and personally performing that constitutional duty,” aniya.
Ayon sa kanya, mahalaga rin ang pisikal na pagdalo upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa proseso.
“Impeachment carries enormous constitutional and historical weight. Personal attendance reflects the seriousness, transparency and accountability expected from every senator-judge,” sabi ni Adiong.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang House spokesperson sa mga senador na tumutol sa panukala.
“We appreciate those who stood firm in defending the integrity and solemnity of the institution and the impeachment process. Mahalaga po na mapanatili ang tiwala ng publiko sa ating mga institusyon,” ani Adiong.

