Defensor

VP Sara pinayuhan ni Defensor na humarap sa Senate impeachment trial

Mar Rodriguez Jun 3, 2026
44 Views

PINAYUHAN ni House prosecutor at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz R. Defensor si Vice President Sara Z. Duterte na kung nais nitong linisin ang kaniyang pangalan kailangan nitong humarap sa nakatakdang impeachment trial sa Senado.

Ang Senate impeachment trial, paliwanag ni Defensor, ang natatanging oportunidad at pagkakataon ng Pangalawang Pangulo para linisin ang kaniyang pangalan at pagiging inosente laban sa mga alegasyong ikinukulapol laban sa kaniya.

“The Vice President is entitled to whatever defense that she wants to bring forward, and we respect that. Pero para sa amin, ang kaso ay matibay, and we leave that to the Senate impeachment court to decide based on the evidence,” wika ng mambabatas.

Ipinaalala ni Defensor na binigyan din ng pagkakataon ng House Committee on Justice si VP Sara para sagutin ang patong-patong na alegasyon laban sa kaniya subalit mas pinili umano nito ang manahimik at hindi siputin ang pagdinig ng Komite.

Sa gitna ng kasalukuyang ligalig na nagaganap sa Senado mula ng manungkulan si Senator Allan Peter Cayetano bilang bagong Senate President. Umaasa ang kongresista na magkakaroon parin ng full trial sa Senado para mailatag at marinig ang mga ebidensiya.

“The only way to dismiss the case is for the Senate impeachment court to acquit her. Pero dapat matuloy muna ang proseso na may trial forthwith. At dapat sana huwag na rin isyuhan ito ng TRO (temporary restraining order) injunction ng ating Korte Suprema,” sabi ng solon.

Pagbibigay diin ng Visayas solon na ang anomang tangkang pagbasura sa kaso laban kay Duterte ng walang naganap na paglilitis ay mag-aalis ng pagkakataon para sa mga Pilipino na maintindihan ang kaso at malaman ang buong katotohanan.

“Ang sinasabi lang namin na matibay ang ebidensya at gusto namin magkaroon ng totoong trial imbis na i-dismiss itong kasong ito,” pahayag pa ni Defensor.