Adiong

Adiong: Kumpiyansa ang mga tagausig ng Kamara sa kanilang ebidensiya

41 Views

SINABI ni House trial spokesperson at kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong na ang kumpiyansa ng panel ng mga tagausig ng Kamara na makamit ang hatol na pagkakasala laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay nakabatay sa lakas ng kanilang ebidensiya, at hindi sa mga problemang legal na kinahaharap ng ilang senador na iniuugnay sa kanya.

Tinanong si Adiong kung mas naging kumpiyansa ba ang prosecution panel dahil may ilang senador na itinuturing na kaalyado ni Duterte, kabilang sina Senador Ronald dela Rosa at Senador Jinggoy Estrada, na humaharap sa magkakahiwalay na usaping walang kaugnayan sa kaso ng impeachment.

“Oo, masasabi nating ganoon. Ngunit ang kumpiyansa ng House prosecution panel ay nakasalalay sa ebidensiyang nakalap na namin at ihaharap namin sa impeachment court,” ani Adiong.

Naghahanda ang prosecution team ng Kamara na iharap ang kanilang kaso sa Senate impeachment court, kung saan haharap si Duterte sa paglilitis kaugnay ng mga paratang na kabilang ang maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta sa pinakamataas na mga opisyal ng bansa.

Binigyang-diin ni Adiong na ang mga kasong kinahaharap ng ilang senador ay walang kaugnayan sa impeachment proceedings.

“Kung titingnan ninyo ang mga indibidwal na kaso na kinahaharap ngayon ng ilang senador, ang mga ito ay walang koneksyon sa impeachment trial na ito,” aniya.

“Hindi rin namin kontrolado na, sa kasamaang-palad, ang ilan sa mga senador na ngayon ay may mga personal na labaning legal ay nagkataong nauugnay o kabilang sa grupong may kaugnayan sa Bise Presidente,” dagdag niya.

Sinabi ng tagapagsalita ng Kamara na walang kinalaman ang prosecution panel o ang mga sumusuporta sa impeachment trial sa mga naturang kaso.

“At iyon ay lampas na sa aming kontrol. Hindi ito isang bagay na sadyang ginawa ng alinmang ahensiya ng pamahalaan o ng sinumang indibidwal o grupo na sumusuporta sa impeachment trial na ito,” paliwanag niya.

Ayon kay Adiong, nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa pananagutan at pagsunod sa Konstitusyon.

“Muli, nais kong ulitin na wala kaming hangaring masama laban kaninuman, lalo na sa mga kasapi ng kapantay naming sangay ng pamahalaan. Ngunit kailangan din nating panindigan ang Konstitusyon at tiyakin ang pananagutan ng mga opisyal ng bayan,” aniya.

Sinabi rin niya na ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaan ay nakatali sa kanilang sinumpaang tungkulin na itaguyod ang Konstitusyon at harapin ang anumang paratang sa pamamagitan ng mga legal na proseso.

“Sapagkat bago pa man kami mahalal, nanumpa kaming susunod sa Konstitusyon. Nanumpa rin kami na haharapin namin ang anumang mga sakdal na maaaring ihain laban sa amin,” sabi ni Adiong.

Idinagdag pa niya na dapat igalang ang tuntunin ng batas anuman ang paninindigan ng isang tao tungkol sa impeachment case.