Alvarez

Alvarez iniugnay ang pagkakasama ng pangalan sa impeachment pitch

41 Views

ITINANGGI ni Palawan Rep. Jose C. Alvarez na tumanggap siya ng anumang maletang pera mula kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at sinabi niyang posibleng may kaugnayan ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa paratang sa hindi niya pag-endorso sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ginawa ni Alvarez ang pagtanggi matapos lumutang sa pampublikong talakayan ang mga alegasyon tungkol sa umano’y paghahatid ng pera ng mga indibidwal na inilarawang dating Marines.

“I can say categorically wala akong tinanggap na maleta galing kay Zaldy Co dahil wala namang utang si Zaldy Co sa akin. Wala rin ako utang sa kanya,” sinabi ni Alvarez.

Ayon kay Alvarez, pumunta siya sa Senado matapos makita sa Facebook na naroon ang mga sinasabing dating Marines dahil nais niya silang tanungin nang harapan kung sa kanya ba talaga ibinigay ang pera.

“Hindi ko sinasabi na hindi totoo ang sinasabi ng Marines. Ang akin lang, ako, wala akong tinanggap personally for me,” sinabi niya.

Idinagdag ni Alvarez na nais niyang harapin mismo ang paratang.

“I just want to ask them, kanino nila binigay? Dahil wala akong tinanggap,” sinabi ni Alvarez.

Sinabi rin ni Alvarez na wala siyang transaksyon kay Co na maaaring maging dahilan ng anumang umano’y pag-aabot ng pera.

“Wala kaming transaction na maaari ko siyang bigyan o maaari niya akong bigyan ng pera,” sinabi niya.

Nang tanungin tungkol sa posibleng motibo sa pagkakasama ng kanyang pangalan, sinabi ni Alvarez na maaaring may kinalaman ito sa mensaheng umano’y ipinadala sa kanya kaugnay ng impeachment ni Marcos.

“Ngunit siguro may kinalaman sa pinadala sa akin ni Mike Defensor. Si Mike Defensor nagpadala sa akin ng impeachment ni Pangulo,” sinabi ni Alvarez.

Ayon kay Alvarez, ipinadala ang mensahe sa pamamagitan ng isang intermediary na tinukoy niyang si Margaret, na umano’y humiling sa kanya na iendorso ang impeachment complaint.

Binasa ni Alvarez ang bahagi ng mensahe na nagsabing: “Your principled stance on accountability makes you an ideal endorser. We respectfully request for your public endorsement to strengthen this effort and uphold the rule of law. Attached is the full complaint for your review. Thank you for your consideration.”

Sinabi ni Alvarez na lumitaw ang kanyang pangalan sa alegasyon matapos niyang hindi iendorso ang impeachment move.

“E nung hindi ko in-endorso, bigla na lang ako nagkapangalan dito,” sinabi niya.

Itinanggi rin ni Alvarez ang mga pahayag na madalas siyang pumupunta sa tirahan ni Co.

“I do not go to Zaldy Co’s Horizon Homes. I know he has an apartment there. Kaibigan ko si Zaldy Co. Wala namang masama,” sinabi niya.

Patuloy pang kailangang beripikahin ng mga awtoridad ang mas malawak na alegasyon tungkol sa umano’y paghahatid ng pera. Iginiit ni Alvarez na nais lamang niyang linisin ang kanyang pangalan at sagutin nang diretso ang paratang.