Calendar
Imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ginagamit para sirain imahe ng Kamara
MAAARING ginagamit lamang na sandata ng mga kaalyado ni dating Senate President Alan Peter Cayetano ang kanilang sariling bersiyon ng Senate Blue Ribbon Committee investigation sa isyu ng flood control scandal para sadyang sirain ang imahe ng Kamara de Representantes at pahinain ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Ito ang binigyang diin ni House Deputy Speaker at La Union 2nd District Rep. Francisco Paolo Ortega V na posibleng kinakasangkapan lamang ng mga kapanalig ni Cayetano ang pagsisiyasat ng Blue Ribbon Committee bilang taktika at pamamaraan para wasakin ang Kamara at protektahan si VP Sara sa kinakaharap nitong kaso.
Ginagamit na sandata, ayon pa sa kongresista, ang tinaguriang Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa flood control upang targetin ang mga kongresista na sumusuporta sa agarang paglilitis sa impeachment ni Duterte sa halip na maghabol ng tunay na pananagutan o magpasa ng mga batas.
“Ang ating nasasaksihan ay isang malinaw na pagtatangka na siraan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang isang institusyon at pilayin ang kredibilidad ng mga inatasan ng Konstitusyon na umusig sa kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte,” pahayag ni Ortega.
Ilang senador na kaalyado ni Cayetano, paliwanag pa ni Ortega, ang nagpatuloy sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa kabila ng tila pagkakatanggal kay Cayetano noong Miyerkules kasunod na muling pagbuo ng naturang Komite sa ilalim ni acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa ganitong sitwasyon, sinabi pa ni Ortega na may malinaw na pattern sa mga huling aksyon ng komite: ang iugnay ang mga mambabatas ng Kamara na sumuporta sa impeachment ni Duterte sa mga alegasyon ng korapsyon, kahit wala pang ipinapakitang malinaw na ebidensya para patunayan ang mga naturang akusasyon.
“Kabilang sa mga pinag-initan at inakusahan ay ang mga House prosecutor na sina Rep. Gerville Luistro, Rep. Joel Chua, Rep. Leila de Lima, at Rep. Terry Ridon, pati na rin ang tagapagsalita ng Kamara para sa impeachment na si Rep. Zia Alonto-Adiong. Ang iba pang mga pinuno at miyembro ng Kamara na kaugnay sa proseso ng impeachment ay idinamay din sa naratibong ito,” ani Ortega.
Ipinaglaban niya na ang pagdinig, na patuloy na iginigiit nina Cayetano at ng kanyang mga kaalyado na lehitimo, ay maaaring binalak upang manipulahin ang pananaw ng publiko sa proseso ng impeachment sa pamamagitan ng pagtatanim ng duda sa kredibilidad ng Kamara at ng mga sumuporta sa kaso laban sa bise presidente.
“Bago pa man magtipon ang impeachment court, bago pa man may makapagpatotoo na kahit isang testigo, at bago pa man pormal na maihain ang kahit isang piraso ng ebidensya, may hakbang na para lasunin ang isipan ng publiko laban sa Kamara at sa mga opisyal na lalahok sa proseso ng impeachment,” sabi pa ni Ortega.
“Hindi pa nagsisimula ang paglilitis, pero tila may hatol na agad laban sa mga mag-uusig. Kapag hindi kayang sagutin ang ebidensya, sisiraan na lamang ang mga maghahain nito,” dagdag ng mambabatas.

