Board Larawan: Integrated Bar of the Philippines (IBP)

IBP: June 3 Senate session valid

43 Views

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang ipaliwanag kung paano tinutukoy ang lehitimong quorum sa Senado at iginiit na balido at naaayon sa batas ang sesyon noong Hunyo 3, 2026 kahit 12 senador lamang ang pisikal na dumalo.

Sa inilabas na paliwanag ng IBP Board of Governors, nakabatay ito sa probisyon ng 1987 Constitution at sa naging desisyon ng Korte Suprema sa landmark case na Avelino vs. Cuenco (1949) tungkol sa pagtukoy ng quorum.

Ayon sa IBP, hindi awtomatikong nangangahulugan na kailangang naroon ang lahat ng miyembro upang magkaroon ng quorum. Sa halip, ang batayan ay ang mayorya ng mga senador na maituturing na available at maaaring lumahok sa sesyon.

Ipinaliwanag din ng grupo na sa sesyon noong Hunyo 3, may dalawang senador na hindi maituturing sa bilang ng quorum—ang isa ay nakakulong kaugnay ng kasong hindi maaaring piyansahan, habang ang isa pa ay hindi umano matukoy ang kinaroroonan mula pa noong Mayo 11, 2026 at hindi rin maaaring piliting dumalo.

Dahil dito, bumaba sa 22 ang bilang ng mga senador na maituturing na available para sa quorum computation. Sa ilalim ng naturang interpretasyon, ang 12 senador na dumalo ay bumubuo ng mayorya at sapat upang maipagpatuloy ang opisyal na gawain ng Senado.

Sa pahayag nito, sinabi ng IBP na ang tinatawag na Avelino doctrine ay nagsusulong ng praktikal na interpretasyon ng Konstitusyon upang hindi maparalisa ang operasyon ng Senado dahil lamang sa kawalan ng mga miyembrong hindi naman makatotohanang mapapadalo.

Binigyang-diin din ng IBP na ang lahat ng naging aksyon, resolusyon at desisyon sa naturang sesyon ay may presumption of regularity at itinuturing na opisyal na mga hakbang ng Senado maliban na lamang kung mapawalang-bisa sa tamang proseso.