Calendar
Sen. Tulfo: Marcoleta-led flood probe hearing-hearingan
TINAWAG ni Sen. Erwin Tulfo na “hearing-hearingan” ang Marcoleta-led flood control proceeding at hindi magiging bahagi ng opisyal na rekord ng Senado.
Iginiit ni Tulfo, na nagsabing siya ang bagong chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, na inilipat sa Lunes ang opisyal na pagdinig.
Itinuloy nitong Huwebes ng panig nina Cayetano at Marcoleta ang proceeding sa flood-control controversy sa kabila ng claim ng panig nina Gatchalian at Tulfo sa liderato ng kapulungan at awtoridad sa komite.
Pinamunuan ni Sen. Rodante Marcoleta ang proceeding sa ilalim ng awtoridad na inaangkin ng grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano matapos siyang italaga ni Sen. Pia Cayetano bilang chairperson ng Blue Ribbon subcommittee na hahawak sa flood-control hearing.
Inanunsyo rin ni Acting Senate President and Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na walang Blue Ribbon hearing sa araw na iyon.
“Sinabi na rin po sa acting Senate President Gatchalian, wala pong hearing ang Blue Ribbon today. Upon my request, kaya idineklara niya po,” ani Tulfo.
Ayon kay Tulfo, hindi maituturing na valid Blue Ribbon hearing ang itinulak ng panig nina Cayetano at Marcoleta dahil walang opisyal na staff, committee secretariat, recording at balanseng representasyon mula sa magkabilang panig.
“Wala pong recording dyan. Hindi po mapasok sa journal yan,” dagdag niya.
Inakusahan ni Tulfo ang panig nina Cayetano at Marcoleta na idinaos ang proceeding para lamang sa “grandstand, optics, press release,” at inangking ginagamit ito para batikusin ang pamahalaan. Hindi pa napapatunayan sa hiwalay na beripikasyon ang claim.
“Ang purpose lang po ng pag-hearing nila to grandstand, optics, press release,” ani Tulfo.
Ang 18 dating Marines na inimbitahan sa pagdinig ay nakapagsumite na umano ng statements sa Ombudsman at National Bureau of Investigation at nakapagsalita na sa media. Dahil dito, pinag-iisipan na aniya kung iimbitahan pa sila sa opisyal na Blue Ribbon hearing sa Lunes.
“Lahat naman po ng magiging meeting, hearing po namin, mga pieces of evidence statements will be submitted to the Ombudsman because that’s the proper forum,” sinabi niya.
Nagbukas ang sigalot ng mga tanong kung maaaring magpatuloy ang committee hearings habang hindi pa nareresolba ang leadership row lalo’t kapwa inaangkin ng dalawang panig ang awtoridad sa committee functions kasunod ng reorganization na inaangkin ng grupo ni Gatchalian.
Tinanggihan ni Cayetano ang June 3 proceedings at iginiit na kailangan ang 13 boto upang maalis siya bilang Senate President. Sa kanyang opening message sa Blue Ribbon proceeding, sinabi niya na ang pagdinig ay tungkol sa katotohanan at hindi sa political alignment.
“I became Senate President with 13 people with different political beliefs. This is about the truth,” sabi ni Cayetano.
Si Marcoleta, na namuno sa subcommittee hearing, ay una nang nagsabing dapat magpatuloy ang flood-control inquiry dahil pondo ng publiko ang sangkot at maaari itong maging simula ng pagkakaisa sa Senado.
Ipinagtanggol din ni Tulfo ang June 3 proceedings na nagresulta sa pagkakahalal kay Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President at binanggit ang 1949 Avellino v. Cuenco ruling at mga naunang pagkakataon na, ayon sa kanya, kinilala ang 12 senador bilang sapat para sa quorum.
Iginiit niya na maaari pa ring gumana ang Senado kung may 12 senador na dumadalo dahil sapat ito para sa quorum. “Meron po. May quorum po,” sinabi niya.
Sinabi ni Tulfo na kapos sa numero ang panig ni Cayetano para kontrolin ang kapulungan.

