solon

Ex-solon: Mga senador na ally ni Sen. Cayetano sa korte dapat magpaliwanag

Mar Rodriguez Jun 4, 2026
37 Views

SA korte na lang kayo magpaliwanag.”

Ito ang pahayag ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa ginawang pagpupulong ng mga senador kasama ang kanilang mga umano’y testigo, partikular na ang 18 dating sundalo at ang kanilang abogado na si Levy Baligod, sa gitna ng katotohanan na ang mga nasabing resource person ay nasampahan na ng kaso sa korte ng iba’t-ibang personalidad na idiniin noong nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ang patuloy na pagpupulong ng mga senador na kaalyado ni dating Senate President Alan Peter Cayetano, ayon kay Barbers, ay isang seryosong ingay para sa pagsasagawa ng “political destabilization” at naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment hearing ni Vice President Sara Duterte kasama na ang iskandalo sa flood control.

“Nakikita ng taumbayan na ang palabas na ito ay para lamang sirain ang reputasyon ng Kamara de Representantes pati na rin ng ICC.

Ang tamang lugar para sa ganyang palabas ay ang mga lokal na korte na siyang may hurisdiksyon sa mga kaso ngayon at ang ICC na paulit-ulit nang nagpasya ukol sa hurisdiksyon nito sa mga reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Barbers.

“Kagulat-gulat! Ito na ang tono ng kinakanta ng mga taong ito ngayon. Isipin mo na lang ang mga pahayag nila ukol sa pinagmulan ng umano’y perang pambayad.

Wala man lang isa sa kanila ang nakakita o nakahawak sa sinasabing pera. Ang tanging sinasabi lang nila ay mga maleta, paper bag, at sobre.

Ang sinumang matinong abogado ay hindi kailanman magbibigay-halaga sa ganyang kwentong-sinungaling ng sinumang testigo.

Umaasa ako na tinatandaan ng mga tamang korte ang huwad na palabas na ito sa ngalan ng katarungan,” dagdag ni Barbers.