Calendar
Erwin naghain ng defamation complaint vs 3 nag-akusa sa ‘maleta,’ trafficking claims


NAGHAIN si Senador Erwin Tulfo ng complaint-affidavit upang isulong ang kasong grave oral defamation laban sa tatlong umano’y miyembro ng tinaguriang “18 Marines” na nag-akusa sa kanya ng pagtanggap ng mga maleta ng pera at pagkakasangkot sa human trafficking sa pinag-aagawang proceeding sa Senado noong Hunyo 4.
Sa 13-pahinang complaint-affidavit na sinumpaan sa harap ng isang Assistant City Prosecutor noong Hunyo 8, inakusahan ni Tulfo sina Bernard A. Gumban, Rosebert M. Waupan at Benny S. Bulontate ng grave oral defamation sa ilalim ng Article 358 ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sinabi ni Tulfo na ang tatlong respondents ay naglabas sa publiko ng mga pahayag na nag-uugnay sa kanya sa mabibigat na kriminal na gawain sa isang proceeding na inilarawan niya bilang iregular at ipinresenta bilang Blue Ribbon Sub-Committee Senate hearing.
Ayon sa senador, ang Hunyo 4 proceeding ay pinamunuan ni Senador Rodante Marcoleta at dinaluhan nina dating Senate President Alan Peter Cayetano, dating Blue Ribbon chair Senadora Pia Cayetano, Senadora Imee Marcos, Senador Robinhood Padilla at Senadora Loren Legarda.
Sa complaint, iginiit ni Tulfo na hindi duly constituted Senate hearing ang proceeding, at binanggit ang umano’y procedural infirmities, kabilang ang kawalan ng mga miyembro mula sa noo’y minority bloc, kawalan ng wastong notice, kawalan ng quorum, kawalan ng Blue Ribbon secretariat, at kawalan ng maayos na recording ng proceedings.
Sinabi niya na naglabas siya ng notice para ipagpaliban at i-reset ang Blue Ribbon hearing hanggang sa susunod na abiso bago natuloy ang aktibidad noong Hunyo 4.
Iginiit ni Tulfo na hindi dapat masaklaw ng legislative privilege o immunity ang mga pahayag na ginawa sa nasabing proceeding dahil, ayon sa kanya, ang aktibidad ay iregular, walang awtorisasyon, at nasa labas ng saklaw ng balidong legislative proceedings.
Nakasaad sa complaint na umano’y sinabi ni Gumban na personal siyang nag-deliver ng mga maleta ng pera kay Tulfo sa dalawang pagkakataon.
Ayon sa affidavit, umano’y sinabi ni Gumban na ang unang delivery ay binubuo ng dalawang maleta na may lamang humigit-kumulang P20 milyon hanggang P50 milyon, habang ang ikalawang delivery ay binubuo ng anim na maleta na may iba’t ibang laki at umano’y may karagdagang halaga ng pera.
Itinanggi ni Tulfo na tumanggap siya ng ilegal na pera o nakilahok sa anumang delivery ng naturang pera.
“For the record, I vehemently deny having received any illegal money nor have I participated in any deliveries of the same by the former aides of Zaldy Co,” saad ni Tulfo sa complaint-affidavit.
Kinuwestiyon din niya ang batayan ng umano’y delivery claim, at sinabing hindi matukoy ni Gumban nang may katiyakan ang partikular na address ng umano’y bahay sa Greenhills at umano’y umasa lamang sa impormasyon mula sa ibang tao upang tukuyin ang tirahan.
Itinanggi rin ni Tulfo ang mga alegasyong iniuugnay kina Waupan at Bulontate na nag-uugnay sa kanya sa human trafficking activities.
Nakasaad sa complaint na umano’y sinabi ni Waupan na may mga babaeng dinala kay Tulfo para pagpilian sa mga hotel, habang umano’y pinatotohanan ni Bulontate ang pahayag batay sa impormasyong namonitor niya mula sa isang Viber chat group.
Sinabi ni Tulfo na mali at malisyoso ang mga alegasyon at nagdulot sa kanya ng public ridicule, contempt, suspicion at humiliation.
Iginiit din niya na naisumite na ng respondents ang kanilang mga alegasyon sa Office of the Ombudsman, kaya wala na umanong dahilan upang ulitin pa nila sa publiko ang mga akusasyon sa Hunyo 4 proceeding.
Hiniling ni Tulfo sa prosecutor na maglabas ng resolusyon na makakakita ng prima facie evidence upang kasuhan sina Gumban, Waupan at Bulontate ng grave oral defamation kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.
Inihain ang complaint habang patuloy na hinaharap ng Senado ang magkakasalungat na pahayag kung sino ang may awtoridad na magsagawa ng Blue Ribbon inquiry sa umano’y iregularidad sa flood-control projects.

