Tulfo1

Sen. Erwin nakisimpatiya sa mga biktima ng lindlol, BRC meeting sinuspindi

43 Views

SINUSPINDE ni Senador Erwin Tulfo nitong Lunes ang Senate Blue Ribbon consultative meeting sa umano’y iregularidad sa flood-control projects matapos tumama ang malakas na lindol sa Mindanao, bilang paggalang aniya sa mga apektadong komunidad.

“We sympathize with the victims of the earthquake in Mindanao. Tatapusin na muna natin,” ani Tulfo.

“We suspend this meeting bilang paggalang sa mga biktima ng matinding lindol sa Mindanao,” dagdag niya.

Sinuspinde ang meeting hanggang sa susunod na abiso habang inaalam ng mga awtoridad ang pinsala mula sa lindol na naitala sa karagatang bahagi ng Sarangani nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, naitala ang lindol dakong alas-7:37 ng umaga. Una itong sinukat ng PHIVOLCS sa magnitude 7.0 bago itinaas sa magnitude 7.8, na ang sentro ay nasa timog ng Maasim, Sarangani.

Naglabas ng tsunami warnings para sa ilang coastal provinces, at pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na lumikas sa mas mataas na lugar o mas malayong bahagi mula sa baybayin bilang pag-iingat.

Sinabi ni Tulfo na nakausap niya si Acting Senate President and Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, at handa aniya ang mga miyembro ng majority bloc na tumulong sa mga biktima kung kinakailangan.

Tinatalakay ng Blue Ribbon consultative meeting ang umano’y iregularidad sa flood-control projects nang ipasya ni Tulfo na itigil muna ang proceeding.

Kabilang sa mga inanyayahan sa meeting ang 18 indibidwal na iniuugnay sa mga alegasyon ng umano’y kickbacks sa government projects.

Dumating sa Senado ang mga resource persons ngunit hindi sila dumalo sa meeting na ipinatawag ni Tulfo. Sa halip, nanatili sila sa opisina ni Senador Robinhood Padilla kasama ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.

Sinabi ni Tulfo na ilang beses nang inimbitahan ang grupo na dumalo sa meeting ngunit hindi sila humarap sa panel.

Sinabi naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na muling iimbitahan ng komite ang mga resource persons sa mga susunod na pagdinig at binalaan na maaari silang ma-cite in contempt kung patuloy silang hindi dadalo.

Nailipat ang atensyon mula sa flood-control inquiry patungo sa sitwasyon sa Mindanao, kung saan patuloy na inaalam ng disaster officials, local governments at emergency responders ang pinsala, binabantayan ang aftershocks at kinukumusta ang mga apektadong komunidad.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga residente sa mga lugar na tinamaan ng lindol na manatiling alerto sa aftershocks, umiwas sa mga nasirang istruktura, at sundin ang evacuation instructions sa mga coastal communities na sakop ng tsunami warnings.