Adiong

Walang sagot depensa ni VP Duterte, puro pagpapa-dismiss lamang — Adiong

84 Views

DAPAT magpatuloy ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Zimmerman Duterte dahil hindi umano hinarap ng kanyang sagot sa mga artikulo ng impeachment ang mga ebidensiya laban sa kanya at sa halip ay sinikap lamang na ipatigil ang kaso sa pamamagitan ng mga procedural, teknikal, at konstitusyonal na pagtutol, ayon sa House prosecution panel.

Sinabi ni Zia Alonto Adiong, kinatawan ng Lanao del Sur at tagapagsalita ng House prosecution panel, nitong Martes na wala silang nakikitang pangangailangang magsumite pa ng panibagong pleading dahil ang isinumite ng Bise Presidente ay nakatuon sa pagpapa-dismiss ng kaso sa halip na direktang sagutin ang mga paratang.

“Hindi na kailangang magsumite pa ng pleading ang House Prosecution dahil teknikal na ang matagal na nilang ipinupunto ay ang kwestiyunin ang proseso at ang konstitusyonalidad ng buong proseso. Naririnig na namin iyan mula pa noong nakaraang taon at maging sa mga press conference ng defense team,” paliwanag ni Alonto Adiong sa programang Morning Matters ng One News.

Mahalaga umano ang interpretasyong ito ng prosekusyon dahil inilalagay nito ang susunod na yugto ng kaso sa harap ng impeachment court ng Senado, kung saan inaasahang ihaharap ng magkabilang panig ang kanilang mga argumento alinsunod sa mga tuntunin ng paglilitis.

“Wala silang inilahad na makabuluhang argumento o kontra-argumento sa kanilang sagot sa mga artikulo ng impeachment. Pawang procedural at constitutional objections lamang ito,” diin ni Alonto Adiong.

Ayon pa sa kanya, tila nakasentro ang estratehiya ng depensa sa paghiling sa impeachment court na tuluyan nang ibasura ang kaso bago pa man lubusang marinig ang mga ebidensiya.

“Kaya walang saysay para sa House Prosecution team na magsumite pa ng pleading, sagot, o komento sa sagot ng Bise Presidente. Ang nais ng Bise Presidente at ng kanyang legal team ay agarang pagpapa-dismiss ng kaso batay sa procedural, teknikal, at constitutional objections,” ani Alonto Adiong.

Sinabi rin niya na ito ang dahilan kung bakit inaasahan ng prosekusyon na aasa nang husto ang depensa sa mga teknikal na hakbang sa oras na magsimula ang paglilitis.

“Sa esensya, wala talagang sagot sa mga paratang. Kaya inaasahan namin na kapag tuluyan nang umusad ang paglilitis, haharap ang House prosecution at maging ang hukuman sa napakaraming pagtutol at teknikal na objections, dahil wala silang maihaharap na panagot sa mga ebidensiya ng prosekusyon. Kaya inaasahan namin ang maraming objections, motions to strike, at iba pa,” dagdag niya.

Kasalukuyang naghahanda ang prosekusyon para sa pre-trial conference, kung saan inaasahang itatakda ng impeachment court ang mga patakarang susundin sa paghaharap ng mga dokumento, testigo, at iba pang ebidensiya.

“Ang susunod na proseso ay ang pre-trial conference. At naniniwala akong naipahiwatig na ng Senado ang mga petsa para rito at para sa mismong impeachment trial, na sa pagkakaalala ko ay sa Hulyo 6,” sabi ni Alonto Adiong.

Aniya, magbibigay-daan ang pre-trial conference upang pormal nang maihanda ng prosekusyon ang mga materyales at mga testigong balak nitong iharap.

“Sa susunod na linggo, umaasa at inaasahan naming magpupulong ang hukuman para sa pre-trial conference upang maihain ng House Prosecution team ang aming mga ebidensiya at listahan ng mga posibleng testigo. Sa madaling salita, ang pre-trial conference ang magtatakda ng mga pangunahing tuntunin upang malaman ng publiko kung paano uusad ang takbo ng paglilitis,” pagtatapos ni Alonto Adiong.