Calendar
Source: DepEd
Gatchalian isinusulong mas malaking papel ng LGUs sa edukasyon
ISINUSULONG ni acting Senate President Sherwin Gatchalian ang mas malaking papel ng local government units sa pagpapatuloy ng basic education services matapos maapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol ang libu-libong paaralan sa Mindanao.
Ang LGUs ang unang tumutugon sa panahon ng kalamidad kaya dapat palawakin ang kanilang tungkulin sa pagplano at pagpapatupad ng mga hakbang para sa mga mag-aaral, guro at paaralan.
Nakapaloob ang panukala sa 21st Century School Boards Act, o Senate Bill No. 53, na naglalayong palawakin ang papel ng Local School Boards sa pagpapatupad ng mga reporma at programa para sa basic education.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang Local School Boards na magsagawa ng maagap, organisado at mga hakbang upang matiyak ang pagpapatuloy ng basic education services sa panahon ng sakuna, kalamidad at iba pang emergency.
Naaayon din ang panukala sa Republic Act No. 12199, o ang Early Childhood Care and Development System Act na nag-aatas sa LGUs na bumuo at magpatupad ng localized comprehensive emergency programs para sa mga bata sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency situations.
Ginawa ng senador ang panawagan matapos sabihin ng Department of Education na umakyat na sa 8,642 ang bilang ng mga paaralang naapektuhan ng lindol.
“Ang LGUs ang unang tumutugon tuwing nagkakaroon ng mga sakuna at kalamidad. Kaya mahalagang palawakin natin ang kanilang tungkulin at kakayahan upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon tuwing may sakuna,” sabi ni Gatchalian.
Sa ilalim ng panukala, mas magiging sentro ang mga lokal na pamahalaan sa education continuity planning habang sinusuri ng mga paaralan ang pinsala at naghahanda ng mga hakbang sa pagbangon matapos ang lindol.

